(NI JEDI PIA REYES/PHOTO BY ED CASTRO)
BAGSAK-PRESYO ngayon ang sibuyas sa mga palengke dahil sa sobra-sobrang suplay kasabay ng panahon ng anihan at pagpasok ng mga iniangkat na suplay.
Puwersado umano ngayon ang mga magsasaka na ibenta na lamang sa pinaka-barat nang halaga ang mga sibuyas.
Sa Nueva Ecija, nasa P15 hanggang P16 na lang ang kada kilo ng sibuyas.
Batay sa rekord ng provincial agriculturist, nasa 1,055 ektarya sa 11 siyudad at munisipalidad ng Nueva Ecija ang may tanim na sibuyas.
“Wala na po kaming mapagbebentahan, dahil puno na rin. Para maibalik lang ang aming puhunan,” pahayag ng magsasakang si Camilo De Guzman.
Naniniwala naman si Agriculture Secretary Manny Piñol na mayroong mga negosyante ang nagmamanipula sa presyo ng sibuyas para mapilitan ang mga magsasaka na ibagsak ang kanilang farmgate price.
Sinabi pa ng kalihim na may mga malalaking trader ang nagrerenta ng cold storage facilities para mawalan ng mapag-iimbakan ang mga magsasaka at mapuwersa silang ibenta ang mga sibuyas sa mababang halaga kaysa mabulok.
“Today were taking actions, sapagkat nakikita namin ito, kutsabahan ito ng mga traders na may kontrol ng cold storage,” ani Piñol.
Sinulatan na ni Piñol ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Competition Commission (PCC) para imbestigahan ang sitwasyon.
“We will file charges and I think it will be PCC that will take legal action against these companies,” dagdag nito.
161