(NI JG TUMBADO)
GALIT na ipina-recall ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Brig. General Debold Sinas ang nasa 200 mga pulis na naitalaga sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa.
Sa kanyang kautusan bilang bagong pinuno ng NCRPO, sinalubong agad si Sinas ng negatibong ulat kaugnay ng pagkakasangkot ng nasa 16 pulis na nahuling nagpupuslit ng kontrabando sa loob ng bilibid.
Ayon kay Sinas, makikipag-usap umano siya sa mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) para talakayin ang insidente.
Aalamin din ni Sinas kay BuCor chief Gerald Bantag kung nais pa nitong panatilihin ang presensya ng mga tauhan ng NCRPO sa bilibid kasunod ng kontrobersiya.
Ang 16 pulis na sangkot sa smuggling ng mga kontrabando sa maximum prison cell ng Bilibid ay kasalukuyang nasa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) sa NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Inilagay muna lahat sa floating status ang 16 habang iniimbestigahan ang mga ito.
Kabilang sa mga tinangkang ipuslit na kontrabando ay mga alak, sigarilyo at cellphones.
Kung mapatutunayang nagkasala ang mga nahuling pulis ay kakaharapin ng mga ito ang kasong grave misconduct na may posibilidad pang matanggal sa kani-kanilang serbisyo.
Kabilang ang mga nasakoteng pulis sa 500 NCRPO police personnel na ipina-recall ni Sinas dulot ng kontrobersiya.
Una nang ipina-deploy ni dating NCRPO Director Police Major General Guillermo Eleazar ang bilang ng police personnel bilang bahagi ng cleansing sa Bilibid.
157