INARESTO, Biyernes ng umaga, si Rappler CEO at executive editor Maria Ressa sa kasong paglabag sa anti-dummy law.
Gayunman, agad ding nakapagpiyansa si Ressa matapos ang booking procedure sa Pasig City Police Station.
Sa bisa ng warrant, inaresto si Ressa paglapag nito sa Ninoy Aquino International Airport ganap alas-6:30 ng umaga dahil sa kasong paglabag sa Anti-Dummy Law.
Inihayag Ressa na kanyang haharapin ang mga kasong isinampa sa kanya tulad ng cyber libel at hindi pagbabayad ng buwis. Binigyan-diin nito na harassment ang ginagawa sa kanya. Iginiit din nito na pag-aari ng mga Pinoy ang Rappler.
Nauna nang nakapaglagak ng piyansa ang mga miyembro ng Board na sina Manuel Ayala, Nico Jose Nolledo, Glenda Gloria, James Bitanga, Felicia Atienza, at James Velasquez. (Mac Cabreros)
Isinilbi ng Pasig police officers ang warrant of arrest matapos lumapag ang eroplano ni Ressa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.
Isinakay si Ressa at kanyang abogado sa police car. Sinabi ni Ressa na agad syang magpipiyansa.
Inisyu ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 265 ang arrest warrant laban kay Ressa nitong Huwebes.
“To any officer of the law, you are hereby commanded to arrest the person Maria Angelita Ressa who is to be found at (address redacted) or elsewhere and who stand charged before me of the crime of violation of Sec sion 2-A of Commonwealth Act No. 108 or the Anti-Dummy Law,” sabi ni Judge Acerey Pacheco sa arrest order.
Magpipiyansa naman si Ressa ng halagang P90,000 sa paglabag sa Anti-Dummy Law. Ini-raffle ang kaso ni Ressa sa Branch 265 noong Miyerkoles.
Ang mga co-defendants ni Ressa, kabilang ang managing editor ng Rappler na si Glenda Gloria at mga miyembro ng company board, ay nagpiyansa na ng katulad ng halaga kay Ressa kahit wala pang ipinalalabas na warrant.
Maaaring magpiyansa ang defendants kahit wala pang warrant upang maiwasan ang abala. Nasa ibang bansa si Ressa nang isampa ang kaso laban sa kanya. Nagbigay lamang sya ng travel bond upang makalabas ng bansa sa harap ng iba’t ibang kaso sa tatlong magkakaibang korte.
Sina Ressa at Gloria kasama ang board members ay kinasuhan sa paglabag sa Securities Regulation Code and the Anti Dummy Law ngunit iniutos ni Judge Pacheco na i-raffle ito sa special commercial court.
Ini-raffle ito nitong Huweebs sa Branch 158 sa ilalim ni Judge Maria Rowena Modesto San Pedro. Itinakda ang bail para sa Securities Regulation Code offense sa P128,000 (US $2,441) bawat isa na hindi pa naibabayad ng mga defendants.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagsabing nilabag ng Rappler ang Anti-Dummy Law sa pag-iisyu ng Philippine Depositary Receipts (PDRs) sa foreign investor na Omidyar Network.
Tinangka ng Securities and Exchange Commission (SEC) na ipasara ang Rappler noong 2018 dahil sa PDRs na nagsabing sumailalim sa pagkontrol ng dayuhan.
Sa dalawang desisyon sa kaso noong Hulyo 2018 at Pebrero 2019, sinabi ng Court of Appeals na may basehan ang SEC na kuwestiyunin ang kasunduan ngunit binigyan din ng panahon ang Rappler na sagutin ito.
Pinasisilip din ng korte ang desisyon sa pagbigay ng donasyon ng Omidyar sa Pinoy managers ng Rappler.
Ito na ang ikapitong aktibong court case laban kay Ressa at ika 11 laban sa Rappler, sa directors at staff mula Enero 2018 matapos tangkaing ipasara ng SEC ang kompanya.
280