(NI BETH JULIAN)
NABABAGALAN si Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa mga tinaguriang ‘Ninja cops’ o mga pulis na sangkot sa pagrerecycle ng ilegal na droga na nakukumpiska sa mga anti-drug operation.
Dito ay nanggagalaiting pinangalanan ng Pangulo ang iba pang ‘Ninja cop’ na hanggang sa ngayon ay hindi pa maiprisenta sa kanya ng PNP at patuloy na nakapagtatago sa batas.
Kabilang sa mga pulis na binanggit ng Pangulo ay sina Police Sr. Supt. Leonardo Suan; Suot. Jimmy Guban; Supt. Lorenzo Bacia; Inspectors Conrado Caragdag at Lito Pirote; SPO4 Alejandro Gerardo Liwanag; at P/Dir. Ismael Fajardo na dati ring nasa PDEA.
Ipinagtataka ng Pangulo kung bakit hanggang sa ngayon ay nakalalaya pa o kung bakit buhay pa ang mga ito gayong mga kilalang kilabot ang mga ito sa mga ilegal na gawain gaya ng pagtatanim ng mga ebidensya, pagtatanim ng mga nakumpiskang ilegal na droga at pagtatahi-tahi ng mga kuwento sa kanilang operasyon.
Matatandaan na dati nang nag-alok ang Pangulo ng milyun milyong pisong halaga ng pabuya para maaresto lamang ang mga ito.
Napag-alaman na ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos tukuyin na ‘Ninja cop’ si dating Police Sr. Supt. Eduardo Acierto na nag-aakusang sangkot sa ilegal na droga si dating presidential economic adviser Michael Yang.
152