(Ni JEDI PIA REYES)
BUMABA ng malaking puntos ang approval at trust ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang buwan.
Gayunman, lumabas sa resulta ng survey ng Pulse Asia na nananatiling si Pangulong Duterte ang pinagkakatiwalaang opisyal ng gobyerno.
Isinagawa ng Pulse Asia ang survey simula nuong Setyembre 16 hanggang 22 ng kasalukuyang taon sa tinatayang 1,200 adult respondents sa buong bansa.
Batay sa survey, nakakuha ang Pangulo ng 78 percent approval ratings na bumaba ng pitong puntos kung ikukumpara nitong Hunyo.
Bumagsak din ng 11 percentage points o sa 74 percent ang trust rating ng punong ehekutibo.
Samantala, nasa 50 percent naman ang nakuhang approval rating ni Vice President Leni Robredo na mas mababa ng limang puntos kumpara nuong Hunyo at 46 percent trust rating na mas mababa ng anim na puntos.
Si Senate President Vicente Sotto III naman ay nakakuha ng 72 percent approval rating at 66 percent trust rating habang si Speaker Alan Peter Cayetano ay may 64 percent approval rating at 62 percent trust rating.
Ang punong mahistrado ng Korte Suprema na si Justice Lucas Bersamin ay may 42 percent approval rating at 34 percent trust rating.
Ang resulta ng survey ay may positive-negative 2.8 percent margin of error.
154