Referrals ‘di totoong inaksyunan lahat OVP PUMALAG; DSWD SINUNGALING?

(CHRISTIAN DALE)

KINONTRA ng Office of the Vice President ang pahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na na-accommodate lahat ng referral mula sa tanggapan ni Vice President Sara Duterte.

Ayon sa OVP, hindi ganap na naipoproseso ang mga programa kaya nakaliligaw ang pahayag ni Sec. Rex Gatchalian.

Ayon kay Director for Operations Norman Baloro, nagkaroon ng ilang pagkakataon na tinanggihan ang mga referral ng OVP.

Ibinigay niyang halimbawa ang hininging tulong ng isang grupo na ang kabuhayan ay naapektuhan dahil sa African Swine Fever virus.

Tinanggihan aniya ang kahilingan dahil sinabi ng DSWD na hindi sila makagagawa ng “mass payout,” bagaman nagagawa nila ito sa ibang lugar, kasama ang ilang politiko.

Mayroon din aniyang malinaw na ebidensya mula sa iba’t ibang OVP Satellite Offices na ang ilang kliyenteng ni-refer ng OVP ay pinabayaan ng iba’t ibang Regional Offices ng DSWD.

Kabilang dito ang 7,056 pending applications para sa Assistance for Individuals in Crisis Situations (AICS) at 2,597 pending applications para sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ang nai-refer ng OVP Panay and Negros Islands Satellite Office sa DSWD Field Office-VI na hanggang ngayon ay wala pa ring naiaabot na assistance.

Nauna nang kinontra ng DSWD ang pahayag noon ni VP Sara na tinatanggihan ng ahensiya ang mga idinudulog na tulong ng kanyang tanggapan.

“Ang aming tanggapan, nakabukas para sa lahat… May referral o wala, lahat ‘yan tinutulungan natin, basta mapatunayan na may pangangailangan,” pahayag ni Gatchalian sa panayam sa Teleradyo.

13

Related posts

Leave a Comment