(FERNAN JOSE ANGELES)
HANDA ang Estados Unidos at bansang Japan na makipagtulungan sa napipintong pagpasok ng administrasyong Marcos, kasabay ng isinapublikong pagkilala sa integridad ng resulta sa Eleksyon 2022 na anila’y pasok sa pandaigdigang pamantayan.
“We’re monitoring the election results and we look forward to renewing our special partnership and to working with the next administration on key human rights and regional priorities,” pahayag ni US State Department spokesman Ned Price.
Ani Price, higit na magiging aktibo ang Estados Unidos sa mga programa ng gobyernong nakatuon sa pangunahing karapatang pantao at mga prayoridad sa rehiyon.
Pagtitibayin rin aniya ng kanilang bansa ang relasyon sa Pilipinas bilang kaalyado sa pagsusulong ng mas pinatatag na relasyon ng dalawang estado.
Pinawi rin ng tagapagsalita ng US State Department ang agam-agam sa pag-upong Pangulo ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.
“What I can say from a technical standpoint is that we understand the casting and counting of votes to have been conducted in line with international standards and without significant incident.”
Gayunpaman, nilinaw ng banyagang opisyal na wala silang pinanigan sa mga kandidatong lumahok sa katatapos lang na halalan nitong nakaraang Lunes.
“The counting is still underway. It is not for us to declare a winner. We’ll wait for the Philippines election authorities to do that. We look forward to working with the president-elect on the shared values and the shared interests that have united our countries across generations.”
Pagtitiyak pa ni Price, walang mababago sa relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos. Bagkus, mas palalakasin pa anila nila ang ugnayan sa Pilipinas sa hangaring tiyakin ang malaya, maunlad, ligtas at matatag na Indo-Pacific region.
Gayundin ang posisyon ng bansang Japan, base sa pahayag ni Chief Cabinet Secretary Hirokazu Matzuno hinggil sa pagpapatuloy ng magandang ugnayan sa napipintong pag-upo sa Palasyo ni Marcos bilang ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
“We will further strengthen our relations with the Philippines, an important strategic partner in the region,” paniguro ni Matzuno.
Para sa Chief Cabinet Secretary ng Japan, walang dudang mananalo ang dating senador na pambato ng Partido Federal ng Pilipinas lalo pa’t sadyang malayo na ang agwat nito sa pumapangalawang si Vice President Leni Robredo.
Sa pinakahuling datos mula sa Commission on Elections Transparency Media Server, milya-milya na ang agwat ni Marcos na nakakuha ng mahigit 31 milyong boto – malayo sa 14.8 milyong naitalang 16 milyon ni Robredo.
Samantala, malugod namang tinanggap ni Marcos ang pinalipad na pagbati at pagkilala ng Estados Unidos at Japan.
Ani Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at spokesperson ni Marcos, pagtutuunan ng susunod na administrasyon ang pagpapalakas ng bilateral at diplomatic relationship ng Pilipinas sa dalawang nabanggit na bansa.
“We would like to thank Japan and the United States for their continued and unwavering support to our beloved country. We are supremely optimistic that the next six years under the Marcos presidency will see a more vigorous and vibrant partnership between our countries,” pahayag ni Rodriguez.
Sa hudyat ng Comelec, si Marcos ang kauna-unahang Pangulong nakakuha ng suporta mula sa mahigit pa sa kalahati ng 55 milyong kabuuang bilang ng mga botanteng lumahok sa malayang pagpili ng liderato.
117