Sa Rightsizing Act na suportado ng Kamara JOBLESS PINOY LOLOBO

(BERNARD TAGUINOD)

KINONTRA ng tatlong mambabatas ang panukalang baklasin sa burukrasya ang may limang porsyentong empleyado ng gobyerno.

Para kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, mangangahulugan ito ng paglobo ng bilang ng mga Pilipino na walang trabaho.

“Sa panahon na nangangailangan ng trabaho ang mamamayang Pilipino, sabik na sabik ang gobyerno na isabatas ang National Government Rightsizing Act na magdudulot ng kawalan ng trabaho sa milyong manggagawa sa pamahalaan,” paliwanag ni Brosas sa kanyang botong “no” sa nasabing panukala.

Nabatid na umaabot sa dalawang daan at siyamnapu’t dalawang (292) kongresista ang pumabor sa House Bill (HB) 7240 o “The National Government Rightsizing Act” nang isalang ito sa ikatlo at huling pagbasa.

Ang bersyon na lamang ng Senado ang inaantay para maging batas ang nasabing panukala na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tanggalin ang may 5 porsyentong empleyado ng gobyerno.

Dahil dito, inaasahang mawawalan ng trabaho ang may 115,000 sa 2.3 million empleyado ng gobyerno, hindi lamang sa national agencies kundi maging sa Local Government Units (LGUs).

Partikular na tatamaan ang mga empleyado na may kaparehong tungkulin upang mas mapadali umano ang transaksyon sa gobyerno at makatipid ang gobyerno ng P14.8 billion na pampasuweldo.

Umaabot sa 2.37 milyong Pilipino ang walang trabaho sa bansa noong Enero 2023, base sa survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Posibleng gayahin umano ito ng pribadong sektor para magtanggal ng kanilang mga empleyado gamit ang dahilan ng gobyernong Marcos na “may mga posisyon na pare-pareho ang tungkulin,” pangamba pa ng mga kontrang mambabatas.

241

Related posts

Leave a Comment