Solon sa isinusulong na Maharlika BINUBUDOL TAYO NI BBM

BINUBUDOL ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hindi lamang mga government at public sector employees kundi ang mga beterano sa kanyang Maharlika Investment Fund (MIF).

Ganito inilarawan ni ACT party-list Rep. France Castro ang nasabing batas matapos aminin ng mga senador na maaari pa ring gamitin ang pondo ng Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), PhilHealth, Pag-IBIG Fund at maging ang Philippine Veterans Affairs Office (PVAO).

“Mukhang mabubudol ang taumbayan, mabubudol ang government employee at saka yung private sector workers natin, mga veterans,” ani Castro dahil bagamat naglagay aniya ng probisyon sa MIF na hindi gagamitin ang pondo ng mga ito ay ginagawan naman ng paraan para maglagak pa rin sila ng puhunan sa pamamagitan ng “third party”.

Nangangahulugan na ang isang korporasyon kung saan may investment ang GSIS, SSS, Pag-IBIG at iba pang financial institution ay maaaring maglagak ng pondo sa mga proyektong papasukin ng Maharlika Investment Council (MIC).

Hanggang ngayon ay wala pa umano sa tanggapan ng Pangulo ang niratipikahang panukala ng dalawang kapulungan ng Kongreso dahil mistulang nireretoke pa ito.

“Mukhang nireretoke pa rin hanggang ngayon which is labag na ito sa batas, sa constitution,” ayon pa kay Castro.

Ang MIF na sinertipikahan ng Marcos bilang urgent bill na niratipikahan noong Mayo 31 ng dalawang kapulungan ay hindi na dumaan sa bicameral conference committee matapos iadopt ng Kamara ang bersyon ng Senado.

Unang kinuwestiyon ng Bayan Muna sa Korte Suprema ang pagsertipika ni Marcos sa MIF bilang urgent bill na naging dahilan para hindi na ito idaan sa masusing pagsusuri ng mga mambabatas.

(BERNARD TAGUINOD)

279

Related posts

Leave a Comment