(NI NICK ECHEVARRIA)
BINABALAK ng Philippine National Police (PNP) na bumubo ng isang Task Force na tututok sa malalimang imbestigasyon kaugnay sa sunud- sunod na natagpuang mga bloke ng cocaine sa eastern seaboard ng bansa na itinuturing na ngayon bilang national security threat.
Ito ang ibinunyag ni PNP spokesperson Ssupt. Bernard Banac, kasabay ng pahayag na nakatuon sa ngayon ang kanilang imbestigasyon sa pinagmumulan ng mga ipinapasok na droga sa bansa gamit ang iisang istilo o pamamaraan.
Nauna nang ipinahayag ng PNP na tila dinidiskarga ng mga malalaking barko ang mga droga sa karagatan gamit ang GPS para matunton ng iba pang barko patungo sa ibang foreign destination, o mga maliliit na banka para maipasok sa Pilipinas.
Ayon kay Banac, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pulisya, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa iba pang mga concerned agencies ng pamahalaan tulad ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy upang ma-monitor ang mga shipping lanes sa bansa.
Gayunman, aminado si Banac na lubhang napakalawak ang karagatan ng bansa na kailangan nilang bantayan, idagdag pa rito ang limitadong kagamitang pandagat ng PNP para bantayan at tugisin ang sindikato sa baybaying dagat.
Muling umapela si Banac sa publiko na maging vigilance at ipagpatuloy ang pagre- report sa kanila sa mga makikitang kahina-hinalang bagay sa mga coastal areas bilang tulong sa pamahalaan sa pagbabantay sa karagatan.
245