(BERNARD TAGUINOD)
KUNG mayroon mang talunan sa hidwaan ng mga Marcos at Duterte, iyon ay ang buong sambayanang Pilipino.
Ganito inilarawan ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang sitwasyon ng mga Pilipino sa lumalang giyera sa pagitan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at pamilya ni Vice President Sara Duterte.
“Ang tandem na nangako ng pagkakaisa ay nag-aaway na sa harap ng taumbayan,” ani Manuel.
Naniniwala ang mambabatas na wala nang pag-asang magkabalikan pa ang mga Marcos at Duterte matapos humingi ng kapatawaran ang Bise Presidente sa mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa paghikayat niya sa mga ito na iboto bilang pangulo si Marcos Jr.
Ginawa ni Duterte ang paghingi ng tawad sa gitna ng paglusob ng libu-libong pulis sa KOJC Compound sa Buhangin, Davao City para isilbi ang arrest warrant sa puganteng si Pastor Apollo Quiboloy noong Sabado.
“Hindi na pwedeng manahimik ang nakaupong pangulo tungkol dito. Hihingi rin ba siya ng kapatawaran sa UniTeam supporters dahil sa pagkuha niya kay Sara Duterte bilang bise presidente noong 2022?” panunudyo ni Manuel.
Inaasahan ng mambabatas na lalong lalala ang giyera sa pagitan ng mga Marcos at Duterte sa susunod na taon dahil sa gaganaping mid-term election kung saan tiyak na magpaparami ng puwersa ang dalawang kampo.
Magtutuloy-tuloy aniya ang hidwaan hanggang sa 2028 kung saan muling pipili ang sambayanang Pilipino ng bagong pangulo.
“Kaya hindi tatagal bago mas aktibong kikilos ang parehong kampo para matanggal ang kalaban sa kapangyarihan at lalong isulong ang pansariling kapakanan. Hindi taumbayan ang magwawagi sa kumpetisyon ng dalawang kampo na ito. Kailangan natin ng alternatibong tipo ng pamumuno,” dagdag pa ni Manuel.
118