(NI CHRISTIAN DALE)
NANANATILING nasa mga kamay ng mga Pilipino ang kapalaran ng pag-amiyenda sa Saligang Batas na naglalayong amiyendahan ang probisyon sa pagnenegosyo at isahang boto para sa Presidente at Bise-Presidente.
Pahayag ito ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles kasunod ng pagbuhay ng Kamara sa Charter Change o chacha.
Aniya, nasa committee level pa lamang ito sa House of Representatives at marami pang dadaanang debate ito sa mga mambabatas.
Hindi pa aniya tiyak kung papaboran ito o kokontrahin ng mga senador kaya aasahan ang mainit na debate sa usapin.
“Komite level lamang po yan, hindi pa yan yung desisyon ng buong kongreso. Mahaba pa yan, pag-uusapan pa yan sa House of Representatives, hindi natin alam kung sasang-ayunan ba yan ng senado,” ayon kay CabSec Nograles.
Ang taumbayan pa rin aniya ang magpapasya sa bandang sa pamamagitan ng plebisito kung papayag ba na maamiyendahan ang ilang probisyon ng Konstitusyon.
“At the end of the day, ang taongbayan pa rin ang magdedesisyon sa pamamagitan ng plebisito,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, ukol naman sa planong baguhin ang pagboto sa Pangulo at Bise-Presidente, sinabi ni Nograles na mahabang proseso pa ang pagdadaanan nito at nasa taongbayan na kung papayag sa bagong sistema nang pagboto sa dalawang pinakamataas na puwesto sa bansa.
“Yan po ay pagdedebatehan pa sa plenaryo ng kamara at pag yan ay pumasa, ipapasa pa yan sa senado para pagpasyahan. Marami pang steps, mahabang proseso ito.Ang taongbayan pa rin ang boboto diyan kung papayagan o hindi,” sabi nito.
Samantala, sa ilalim ng panukalang chacha, hindi na boboto ang mga tao sa Bise-Presidente at nakasalalay na lamang ito sa boto ng mananalong Presidente na ka-tandem nito.
170