(NI BETH JULIAN)
BUMUO na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng Task Force na tututok sa insidente ng pagpapatiwakal ng isang 11-year old boy bunsod umano ng impluwensya ng tinatawag na ‘momo challenge’.
Ang buong TF ay kinabibilangan ng ng mga pulis at telecommunicaitons commission.
Inamin ni DICT Acting Secretary Eliseo Rio Jr., na hanggang ngayon ay wala pang malinaw na pruweba kung ang momo challenge nga ang dahilan ng pagkamatay ng bata.
Hindi rin isinasantabi ang impormasyong isang hoax o hindi totoo ang momo challenge.
Sa binuong TF ng DICT, tututok ito sa fact finding and investigation para sa momo challenge.
Ayon kay Rio, partikular nilang iimbestigahan kung talagang may kinalaman ang momo challenge sa pagkamatay ng bata at aalamin din kung totoo ang nasabing challenge o isa lamang hoax sa internet.
“Ang particular lang na gagawin ng task force is to find out kung totoo ang suicide cuased by momo challenge, fact finding lang po,” wika ni Rio.
Layun din ng imbestigasyon na matuldukan ang mga pangamba at mapanatag ang loob ng lahat kaugnay ng usapin.
“Ito rin ay for the peace of mind of everybody, pero kailangan pa rin na mawarningan ang mga parents at maging mapagsubaybay sa kanilang mga anak sa paggamit ng internet,” ayon pa kay Rio.
Kaugnay nito ay patuloy pa rin ang pakikipag ugnayan ng DICT sa iba’t ibang social media platforms sa website para mapigilan ang pagkalat ng momo challenge.
Sinabi ni Rio na kabilang sa mga kanilang nakausap ang pamunuang facebook, youtube at google.
Ang resulta, ayon kay Rio, ay sinabi ng mga ito na sila na mismo ang magba-block sa mga content na maaring magdulot ng panganib o karahasan sa mga gumagamit ng internet.
201