HINAMON ng isang administration congressman si Vice President Sara Duterte na bumaba na lamang sa puwesto kung hindi siya interesadong gampanan ang kanyang responsibilidad bilang pangalawang pinakamataas na lider ng bansa.
Ginawa ni House deputy majority leader at Bicol party-list Rep. Raul Angelo Bongalon ang hamon matapos hindi siputin ni Duterte ang floor deliberation ng budget ng Office of the Vice President (OVP) noong Lunes ng umaga hanggang alas-tres ng madaling araw ng Martes.
Muling itinakda ang deliberasyon sa OVP budget, alas-diyes ng umaga kahapon, Martes subalit habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin nagpapakita si Duterte kaya inuna na muna ang ibang ahensya ng gobyerno.
“Kung hindi na po siya interesado sa kanyang duties at responsibilities bilang vice president, we can ask her to step down as vice president,” ani Bongalon.
Pinuna ni Bongalon ang kumalat sa social media na larawan ni Duterte na nasa beach sa Camarines Norte habang hinihintay siya ng Kongreso para idepensa sa plenaryo ang budget ng kanyang tanggapan sa susunod na taon.
Ayon naman sa minority bloc member na si Rep. Rodrigo Gutierrez, naghintay ng 17 oras ang mga kongresista lalo na ang sponsor ng OVP budget na si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong subalit hindi sinipot ni Duterte.
“Ang panawagan po namin, huwag naman pabitin po ano. Let’s conclude this budget according to constitution,” dagdag pa ni Gutierrez habang sinabihan naman ni Zambales Rep. Jay Khonghun si Duterte ng “huwag pa-baby. Kailangan kasi natin malaman kung saan niya dinadala at ginagamit ang budget ng OVP so sana respetuhin ang proseso.” (BERNARD TAGUINOD)
132