(NI BERNARD TAGUINOD)
‘WINNER’ ang Department of Transportation (DOTr) sa lahat ng ahensya ng gobyerno kung palakihan ng itinaas na pondo ang pag-uusapan sa ilalim ng 2020 national budget.
Ito ang pahayag ni House deputy speaker Mujiv Hataman sa gitna ng pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa 2010 national budget na nagkakahalaga ng P4.1 Trillion.
Ayon kay Hataman, umaabot sa P133.43 Billion ang pondo ng DOTr sa 2020 o mas mataas ng P79 Billion para sa P54.23 Billion na budget ng ahensya ngayong kasalukuyang taon.
“At sa ating nakikita sa kanilang budget, mahigit P106.7 billion po ang mapupunta sa railway projects para maibsan ang traffic at hirap ng ating mga commuters dito sa Metro Manila at sa ilang bahagi ng Luzon at Mindanao,” ani Hataman.
Gayunpaman, dismayado ang mambabatas na sa nasabing halaga, P96.1 million lang ang nailaan para sa railway projects sa Mindanao gayung kailangan umano ng kanilang rehiyon ang mass transport system.
Sa nasabing halagang gagamitin sa railway projects, P84.7 Billion ang gagamitin sa North-South Commuter Railway System; P9.8 billion para sa Metro Manila Subway Project Phase I; P6.1 billion para sa Subsidy for Mass Transport (MRT3); P5.1 billion para sa Rehabilitation of MRT Line 3; P877 million para sa PNR South Long Haul Project; P74 million ay mapupunta naman LRT Line 1 Cavite Extension Project.
Ayon sa mambabatas, mahalaga ang mga proyektong ito subalit kailangang maimplementa o magastos ang mga pondong ito upang mapakinabangan ng taumbayan.
“Ang gusto sana nating makita ay ang full utilization ng pondo. Maraming magagandang projects ang hindi napopondohan ng maayos pero may allocation naman,” ayon pa sa mambabatas.
128