NATAKOT din ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa galit ng taumbayan kaya nagpasya ang mga ito na isapubliko na sa susunod na linggo ang imbestigasyon sa anomalya sa flood control at iba pang proyekto ng gobyerno.
Ayon sa Makabayan bloc, malinaw na takot sa public outrage ang nagtulak sa ICI para buksan ang mga pagdinig — pero binalaan nila ang publiko na maging mapagmatyag laban sa posibleng cover-up para iligtas ang mga “big fish” na sangkot.
“The public outrage has now forced them to livestream the proceedings. We call on the people to remain vigilant and oppose any further cover-up,” pahayag ng Makabayan bloc na kinabibilangan nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Kabataan Rep. Renee Co, at Gabriela Rep. Sarah Elago.
Para naman kay Akbayan Rep. Chel Diokno, tama lamang na buksan sa publiko ang ICI hearings dahil karapatan ng mga Pilipino na malaman kung paano ginagastos ang pondo ng mga proyektong dapat sana’y nagpoprotekta sa kanilang buhay at ari-arian.
“Kapag livestream na ang hearing, masasaksihan ng taumbayan ang takbo ng imbestigasyon at kung paano papanagutin ang mga opisyal na sangkot sa pagnanakaw ng kanilang binayarang buwis,” ani Diokno.
Ipinahayag din ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima ang kanyang pagsang-ayon at tuwa sa desisyon ng ICI:
“Sa pagsasapubliko ng ICI hearings, hindi na lang ICI ang nag-iimbestiga. Kasama na rin ang taumbayan sa pagsusuri — hindi lang sa mga iniimbestigahan kundi pati na rin sa mismong takbo ng imbestigasyon,” sabi ni De Lima.
Ngunit may pahabol na paalala si Akbayan Rep. Perci Cendaña:
“FINALLY, nakinig ang ICI na dapat napapanood ng publiko ang hearings. Pero paano ‘yung mga naunang hearing? Dapat full transparency, hindi pwedeng selective.”
Sa kabila ng anunsyo, nananatiling maingat at mapagduda ang mga mambabatas — dahil para sa kanila, hindi pa tapos ang laban para sa ganap na katotohanan.
(BERNARD TAGUINOD)
