BULACAN — Dalawang lalaki ang nasawi matapos sumabog ang isang ilegal na pagawaan ng paputok sa Brgy. Partida, Norzagaray nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-11:00 ng umaga nang yumanig ang lugar sa malakas na pagsabog mula sa nasabing pabrika.
Agad rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP) at rescue team, at naapula ang apoy dakong alas-11:50 ng umaga.
Pagkatapos ideklarang fire out, tumambad sa mga rumesponde ang dalawang sunog na bangkay ng mga lalaki sa loob ng gumuhong istruktura. Inaalam pa ng mga awtoridad ang kanilang pagkakakilanlan.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na walang kaukulang permit ang naturang pagawaan at ilegal itong nag-o-operate.
Patuloy ang masusing imbestigasyon habang humingi na ng tulong ang pulisya sa Bulacan Provincial Forensic Unit para sa Scene of the Crime Operation (SOCO) at pagkilala sa mga biktima.
(TOTO NABAJA)
60
