SINAMAHAN ni Senator Christopher “Bong” Go si Pang. Rodrigo Duterte sa pag-inspeksyon sa National Academy of Sports sa New Clark City, Capas, Tarlac kamakalawa nang maimbitahan ang Pangulo bilang guest of honor at speaker para sa naturang event.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Duterte na matagal nang pangarap ni Go, noong aide pa niya ito, na makapagtayo ng isang sports complex sa bansa na magpapasilidad sa pagsasanay sa mga aspiring athlete, kasabay ng pagbibigay sa mga ito ng de-kalidad na edukasyon.
“At the time he was an aide, dream niya talaga ito (NAS),” ayon pa sa pangulo.
Sinabi naman ni Go na ang paghubog ng mahuhusay na atleta, na makapaghahatid ng karangalan sa bansa ay nangangailangan ng collective effort para sa buong bansa.
Dagdag pa niya, ang mahuhusay na atleta ay hindi basta na lamang sumusulpot at sa halip ay nangangailangan ng matagal na panahong pagsasanay, na may kaagapay na ‘whole-of-nation approach’ upang matiyak din ang kanilang kapakanan.
“Ang paghuhubog ng mga atletang magbibigay karangalan sa ating bansa ay isang kolektibong pagsisikap ng sambayanan. Mahirap maabot ang kanilang pangarap para sa kanilang sarili, pamilya at bansa kung wala pong sapat na suporta,” aniya pa.
“Ang tagumpay nila ay tagumpay ng buong sambayanan. Ngunit ang tagumpay na ito ay nangangailangan din ng karampatang pagsisikap hindi lang mula sa atleta kundi pati na rin sa atin na may tungkuling suportahan sila sa kanilang preparasyon at kompetisyon,” dagdag pa niya.
“Kaya naman masaya po ako sa pagtatatag ng paaralang ito na magbibigay ng pagkakataon sa kanila na magtraining at malinang ang kanilang mga kakayahan —- not only as athletes but as productive members of society,” paliwanag pa ng senador.
Bilang bahagi ng kanyang bisyon na makapagkaloob ng dedicated academy para sa mga promising young athletes, iniakda at inisponsoran ni Go ang panukala sa Senado na naging Republic Act No. 11470 noong 2020.
Ang naturang batas ang nagbigay-daan sa pagtatayo ng NAS System at Main Campus. Ang NAS ay nag-aalok rin ng secondary education program na may integrated special curriculum sa sports na dinebelop sa masusing pakikipagtulungan sa Department of Education at Philippine Sports Commission.
Ang academy ay mayroong world-class sports facilities, housing, sapat na bilang ng mga silid aralan, mga pasilidad at iba pang amenities na tumatalima sa international standards.
Upang matiyak naman ang international competitiveness ng mga student-athletes, nagkakaloob rin ang academy ng serbisyo ng mga lisensyado at internationally-certified foreign coaches, trainers at consultants, na duly certified ng PSC.
“Sa pamamagitan ng pagbibigay ng maayos na mga programa sa ating mga kabataan upang sila ay makapag-aral ng mabuti at magabayan sa kanilang mga talento sa sports, mas mabibigyan natin sila ng oportunidad na magtagumpay sa buhay,” ani Go, sa una nitong pahayag. “Layunin ko na magkaroon ang ating mga kabataan ng marangal at maayos na pamumuhay ‘di lang ngayon kundi pati sa kanilang pagtanda.”
178 