Nobyembre 2015 pa naging ganap na batas ang Republic Act 10699 na mas kilala sa tawag na National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act. Ang R.A. 10699 ang pinalawak na batas na mula sa naunang Sports Benefits and Incentives Act of 2001 (R.A. 9064).
Kinikilala ng R.A. 10699 ang lahat ng atleta at coaches na accredited ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission partikular ang mga nagwawagi ng medalya sa mga international tournament at ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay mga cash rewards.
Tinatadhana rin ng R.A. 10699 ang “grant of 20% discount from all establishments relative to the utilization of transportation services, hotels and other lodging establishments, restaurants and recreation centers and purchase of medicine and sports equipment anywhere in the country for the actual and exclusive use or enjoyment of the national athlete and coach.”
Labas pa sa nabanggit na discount coverage ang “minimum of 20% discount on admission fees charged by theaters, cinema houses and concert halls, circuses, carnivals, and other similar places of culture, leisure and amusement for the actual and exclusive use and enjoyment of the national athlete and coach.”
Sa kasamaang palad, apat na taon ng batas ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act of 2015 pero hanggang ngayon ay hindi ito lubusang naipapatupad dahil na rin sa hindi pagsunod ng maraming business establishments.
Mas masaklap pa, maraming mga establisyimento ang ignorante sa R.A. 10699 kung kaya kahit magpakita ng mga valid IDs ang mga atleta at coaches ay hindi sila binibigyan ng 20 porsyentong discount, kabilang na ang mga gamot.
Batid ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez na matagal na dapat tinatamasa ng mga Pilipinong atleta at coaches ang mga benepisyo sa ilalim ng R.A. 10699 at ngayon nga ay ginagawa na ng PSC ang lahat para sa kagyat na aksyon ng mga ahensya ng pamahalaan gaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na may kapangyarihang bigyan ng parusa ang mga establisyimentong lumalabag sa batas.
Umaasa si Ramirez na ngayong unang bahagi ng 2020 ay tuluyang maipatupad ang RA 10699 Sec. 4 and 5 nang makakuha na ng karampatang benepisyo ang ating mga atleta at coaches.
Nakatakda ring itaas ng PSC ang sweldo ng mga national coaches bilang bahagi nang pagpapalakas sa performance ng mga atleta na humakot na 114 ginto at naglagay sa Pilipinas bilang over-all champion sa nakalipas na Southeast Asian Games na ginanap sa bansa.
Gayunman, nakadepende pa rin sa evaluatin ng PSC ang magiging sweldo ng mga national coaches. (SIDE BAR / Raymond Burgos)
