National Heroes’ Day sinabayan ng protesta HEALTH WORKERS GALIT NA

SINABAYAN ng malawakang kilos protesta ang National Heroes’ Day sa pamamagitan ng noise barrage ng health workers mula sa National Kidney Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City at sa iba’t ibang mga pampublikong ospital sa National Capital Region (NCR) nitong Lunes ng tanghali.

Sabay-sabay na naglabasan sa kani-kanilang pinapasukang mga ospital ang health workers upang ilabas ang kanilang sama ng loob sa pamunuan ng Department of Health (DOH) at sa

administrasyong Duterte dahil sa matagal nang pagkaantala ng kanilang Special Risk Allowances (SRA) at iba pang mga benepisyo sa ilalim ng Bayanihan Law 2.

Bukod dito, nanawagan din sila na agad magsagawa ng ‘mass hiring’ ng mga regular health worker para sa mga COVID-19 patient.

Ang isinagawang kilos protesta ay bahagi na rin ng ‘countdown’ at ‘ultimatum’ ng mga health worker sa DOH na ngayong araw, August 31, ay dapat maibigay na ang kanilang SRA at iba pang mga

benepisyo, na kinabibilangan ng Meal Accommodation and Transport (MAT) allowances, at Active Hazard Duty Pay (AHDP).

Matatandaan na ang National Kidney Transplant Institute (NKTI) at iba pang government-owned or -controlled corporations (GOCCs) health workers ay hinintay pang magsagawa ng magkakasunod na protesta bago ipagkaloob ang inisyal na kabayaran sa kanilang COVID-19 benefits.

Una nang kinilala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga medical frontliner bilang ‘modern day heroes and soldiers’ na nagsasakrpisyo upang labanan ang nangyayaring pandemya sa bansa.

“With all due respect Mr. President, we appreciate your compliments and recognition as we combat this war but what we need right now is your hundred percent support and sincere protection so that we can further improve our better services to our fellow countrymen,” pahayag ni Edwin Pacheco, president ng NKTI Employees Association.

“Nag-expire na ang Bayanihan 2 na hindi natanggap o napakinabangan ng mga manggagawa sa pribadong pagamutan ang mga nakasaad na benepisyo dito. Sa mga nagaganap na pag-iimbestiga ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay paulit-ulit nang itinuturo ang kapalpakan ng DOH, Center for Health Development (CHD) pero ang tigas pa rin ng pagmumukha ng mga opisyal sa pangunguna ni Secretary Duque,” pahayag naman ni St Luke’s Medical Center (SLMC) QC Employees Association president Jao Clumia.

Binigyang-diin pa ni Clumia na mag-eexpire na ang taning ni Pangulong Duterte sa DOH at DBM na bayaran sa loob ng 10-araw ang lahat ng mga pagkakautang  ng gobyerno sa mga health worker subalit panay palusot pa rin ni Duque sa pag-iwas sa obligasyon sa mga manggagawa.

Nagbabala rin si Clumia na kung hindi kayang sibakin ng Pangulong Duterte si Duque ay sila na mismo ang kikilos para sipain ito sa DOH.

Ayon sa grupo, ang kanilang protesta ngayon Heroes’ Day ay panimula lamang bilang paghahanda sa mas malawakang pagkilos na kanilang tatawagin na “Pambansang Araw ng Pagkilos Para sa Proteksyon ng mga Manggagawang Pagkalusugan” na kanilang ilulunsad sa unang linggo ng Setyembre.

“Ang pakiusap namin sa publiko, humihingi kami ng suporta sa lahat kasi ‘yung pinaglalaban namin dito, kapakanan din ng publiko. ‘Pag nawala na ‘yung ating mga healthcare workers, lalo na ‘yung mga nurses sa loob ng ospital… hindi kayo makakatapak diyan sa ER (emergency room), mamamatay kayo dahil wala na nga po, punuan na tayo,” dagdag pa ng SLMC QC Employees

Association president.
Samantala, humirit naman si Alliance of Health Workers (AHW) president Robert Mendoza na doblehin ang suweldo ng mga healthcare worker.

“Sana, dagdagan at itaas ang sahod both public and private health workers. Kung nadoble ni Pangulong Duterte ang sahod ng mga kapulisan, sana sa panahon ng pandemya, magkaroon siya ng political will na doblehin ang sahod ng ating health workers,” panawagan ni Mendoza.

Sinabi ni Mendoza na sa kabila ng pagtawag sa kanila na mga bayani ng Pangulo, nananatiling hanggang doon lang dahil naiiwan pa rin umano sila pagdating sa kaligtasan at benepisyo.
“Wala tayong nakitang pagkalinga at pangangalaga ng Presidente at Department of Health,” ayon kay Mendoza. (JG TUMBADO/RENE CRISOSTOMO)

131

Related posts

Leave a Comment