NATIONWIDE COMMUNITY PANTRIES DAPAT SUPORTAHAN

NAGKAISA na ang mga mataas na opisyal ng gobyerno na suportahan ang mga nagsusulputang community pantries sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa ating pananaw, isa itong ‘wise decision’ na ginawa ng ­gobyerno dahil imbes na awatin ay tulungan na lang para sa isang makabagong bayanihan na ang pasimuno ay mismong ang ating mga kababayan.

Napakasarap din kasi sa pakiramdam na nakatutulong tayo sa iba sa abot ng ating makakaya.

Kung hindi kaya na bigyan ng ayuda ang lahat ng mga Filipino lalo na ang mga mahihirap, sa pamamagitan ng community ­pantries ay matutulungan sila.

Kung may pagkukulang man ang ilang opisyal ng pamahalaan ay mapupunuan ito sa pamamagitan ng isinasagawang community pantries sa buong bansa.

Pero hindi naman tama na kaya gumagawa ng mga community pantry ang ilan nating mga kababayan ay para sisihin at ipakita sa gobyerno ang kanilang kakulangan.

Kasi kalalabasan niyan ay nanunumbat tayo, dahil nakatutulong tayo sa ating mga kababayan.

Mas lalo kayong pagpapalain ng Panginoon kung tumutulong tayo na walang halong panunumbat sa iba.

Kung ang makakaliwang grupo ay sumasakay din sa community pantries, iisa lang ibig sabihin nyan, baka gusto nilang makabawi sa taumbayan dahil basang-basa na ang kanilang papel sa lipunan.

Subalit alam natin na isang pagbabalat kayo lang ang kanilang ginagawa dahil kahit ano pa ang kanilang gawin ay wala nang maniniwala.

Ang suhestiyon ng PUNA sa mga opisyal ng gobyerno at sa mga awtoridad ng PNP at AFP ay gawin niyo ang tama at ‘wag kayo patatalo sa mga stratehiya ng makakaliwang grupo.

Tanggapin natin na malaking tulong ang community pantries na isinasagawa sa panahon ngayon na marami ang walang trabaho dahil naapektuhan ng pandemya.

Pero kung ito naman ay ­galing sa mga komunista, mag-ingat tayo sa kanilang agenda at propaganda.

Sa dami nating mga Pinoy kung magbibigkis tayo para sa iisang layunin na pagtulong sa kapwa ay hindi natin masyadong iindahin ang kahirapan na ­nararanasan ngayon sa buong mundo.

Pero huwag po sana natin lagyan ng pulitika ang community pantries dahil hindi tamang venue yan.

Kaya hindi tama na tumutulong tayo at pagkatapos ay gagatungan natin ang ating mga nagatungan na magalit sa gobyerno.

Lalo nyo lang inilulubog ang bansa natin sa kahirapan, imbes na maibsan ang sakit na dulot ng COVID-19 pandemic.

Marami na tayong nakikitang community pantries na isinasagawa din ng ating mga awtoridad mula sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).

Kung ganito ang gagawin ng ating pulisya at militar ay walang kaduda-dudang mapapalapit ang mamamayan sa inyo.

Kaya nga sabi natin ­kamakailan na mas marami pa rin ang matitino na nasa awtoridad kesa iilan lang na bulok na sumisira sa kanilang hanay.

Ingat po tayo at ‘wag po natin kalimutang magdasal. Thank You Lord.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

305

Related posts

Leave a Comment