NAUNSYAMING GANANSYA

SA kumpas ng pangulo, mistulang nabulilyaso ang bonggang ­ganansya ng mga mapagsamantala.

Ayon sa Palasyo, ibinasura ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekomendasyon ng isang mataas na opisyal sa gobyerno kaugnay ng isinusulong na pag-angkat ng 350,000 metriko toneladang asukal mula sa ibang bansa.

Sa wakas! May nanindigang pangulo laban sa nakasanayang ­diskarteng pilipit ng mga negosyanteng mapagsamantala at ilang ­tiwali sa gobyerno!

Ayon kay Sugar Regulatory Administration (SRA) chief Hermenegildo Serafica, inaprubahan ng pangulo ang pag-angkat ng asukal sa hangaring maibsan ang kapos ng supply sa bansa.

Sa isang banda, totoong may nagbabadyang “sugar shortage” sa bansa. Pero paglilinaw ng Palasyo, hindi importation ang sagot sa ­tuwing may kapos na supply ng agri-products.

“The President rejected the proposal to import an additional 300,000 MT of sugar. He is the chairman of the Sugar Regulatory Board and denied this in no uncertain terms,” ayon sa opisyal na pahayag ng Palasyo.

Buwan ng Hunyo nang magbabala ang SRA hinggil sa pagnipis ng supply ng asukal sa bansa. Ito rin anila ang dahilan kung bakit halos ­dumoble ang presyo ng kada kilo ng asukal sa merkado.

Hangad ng pangulo ang pagbaba ng presyo ng mga pangunahing ­bilihin sa bansa. Katunayan, bahagi ‘yan ng kanyang pangako sa ­kanyang unang State of the Nation Address (SONA) nitong nakalipas na Hulyo.

Subalit malinaw sa kanyang mensahe sa sambayanan na ­prayoridad ng kanyang administrasyon ang lokal na sektor na ­agrikultura. Sa ­madaling salita, kung kapos tayo sa supply – dapat pataasin ang produksyon ng mga magsasaka.

Ang totoo, hindi maiiwasan ang pag-angkat mula sa ibang bansa. ­Gayunpaman, hindi dapat iaasa na lang palagi sa ibang bansa.

Hindi madaling isakatuparan ang pangarap ni Marcos Jr. na ­muling gawing primera klaseng estado ang Pilipinas sa larangan ng ­agrikultura. Maraming balakid. Santambak ang masasagasaan. ­

Maraming ­tiwali ang mawawalan ng ganansya at pati pagdami ng pera ng mga ­mapagsamantala ay biglang masasawata.

Pero ang sigurado, magagawa kung sama-sama tungo sa isang ­direksyon – para sa bansa!

229

Related posts

Leave a Comment