IPINAMAHAGI na ng pamahalaang lungsod ng Navotas ang P22.7 milyon para sa mid-year bonus at cash gifts ng mga kawani nito.
Nasa 534 regular na empleyado ang nakatanggap ng bonus na katumbas ng isang buwang sweldo habang 1,175 naman na mga nasa ilalim ng contract of service at job order ang nakakuha ng P6,000 cash.
Ang P6,000 ay doble ng kanilang regular na quarterly benefit.
“Sa gitna ng pandemya ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19), hangad nating matulungan ang ating mga empleyado at ang kanilang mga pamilya para magkaroon sila ng pinansyal na seguridad at matugunan ang mga ‘di kanais-nais na epekto ng ipinatutupad na community quarantine,” sabi ni Mayor Toby Tiangco.
“Lubos na naapektuhan ng COVID-19 ang kabuhayan ng maraming pamilya na nakatira sa mga lugar na nasa ilalim ng quarantine. Bagaman nakatatanggap pa rin ng buwanang sweldo ang mga kawani ng city hall, maaaring hindi ganun ang nangyayari sa ibang miyembro ng kanilang pamilya. Umaasa tayong makatutulong ang bonus na kanilang natanggap sa pagharap nila sa krisis na ito,” dagdag niya.
Namahagi rin ang pamahalaang lungsod noong Marso ng P6.4 milyon na karagdagang benepisyo para sa mga non-plantilla na mga empleyado.
Namigay rin ito ng P500 arawang hazard pay para sa mga pisikal na pumapasok sa trabaho habang may pandemya tulad ng mga basurero, street sweepers, barangay nutrition scholars at barangay health workers.
Dagdag pa rito, nagkaloob din ito ng isahang special risk allowance (SRA) para sa public health workers ng lungsod na direktang kumakalinga sa mga pasyente ng COVID-19. Ang SRA ay katumbas ng 25 porsiyento ng kanilang buwanang sweldo. (ALAIN AJERO)
