MAGSISIMULA sa Hulyo 16, 5:00 ng madaling araw ang 14-araw na lockdown sa Navotas City na tatagal hanggang Hulyo 29, alas-11:59 ng gabi, makaraang lagdaan nitong Martes, Hulyo 13, ni Mayor Toby Tiangco ang Executive Order (EO) No. TMT-038, series of 2020.
Sinabi ni Tiangco, kinailangan ang lockdown dahil mula nang lumuwag ang community quarantine ay biglang lumobo ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod na umabot na sa 981 ang kumpirmadong kaso.
Dahil sa pagdami ng mga pasyente, napuno ang community isolation facilities ng lungsod kaya’t kinailangan nang magpadala ng mga pasyente sa We Heal As One Centers dahil maging ang ilang mga ospital sa Metro Manila ay umabot na rin sa full capacity.
“Umaasa po tayo na sa pamamagitan ng lockdown, mapabagal natin ang pagtaas ng kaso sa ating lungsod.
Ang paglalagay ng limitasyon sa galaw ng mga tao ay makatutulong para mapigilan ang pagkalat pa ng nakamamatay na virus,” ayon sa alkalde.
Nakasaad sa EO na ang mga residente sa bawat barangay ay may nakatakdang araw lamang para lumabas ng bahay at mamalengke o mamili ng groceries, gamot at iba pang pangangailangan.
Tanging mga may hawak ng home quarantine pass lamang ang pwedeng lumabas at dapat na may suot na mask na natatakpan ang ilong at bibig.
Batay sa order, Lunes, Miyerkoles at Biyernes maaaring lumabas ang mga taga-SRV, NBBS Kaunlaran, Bangkulasi, BBS, Navotas East, Sipac-Almacen, Daanghari, Tangos North, at Tanza 1, habang Martes, Huwebes at Sabado naman ang araw para sa mga taga-NBBS Proper, NBBS Dagat-Dagatan, NBBN, BBN, Navotas West, San Jose, San Roque, Tangos South, at Tanza 2.
Samantala, walang maaaring lumabas kapag Linggo. Ito ay nakatalaga bilang araw ng paglilinis at disinfection, ayon pa sa order. (ALAIN AJERO)
134
