BAHAGI ng mandato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ipagtanggol ang soberanya ng bansa at ang mga probisyong kalakip ng ating Saligang Batas. Sa ilalim naman ng istruktura ng hukbong sandatahan ang Naval Special Operation Command – isang elite squad na kahalintulad ng sikat na Navy Seals ng Amerika.
Ang totoo, maituturing na elite force ng Philippine Navy ang NSOC. Dangan naman kasi, binubuo ang naturang grupo ng pinakamahusay na mga sundalong dumaan sa pinakamahirap na pagsasanay na sadyang akma sa covert operations at pagtatanggol laban sa mga terorista at mga dayuhang mapagsamantala, partikular sa teritoryong sakop ng bansang Pilipinas.
Ang masaklap, tila hindi nagagamit nang wasto ang NSOC. Sa halip na itaboy ang mga Tsino na namamayagpag sa karagatang pasok sa exclusive economic zone ng bansa, ang mga mangingisdang Pilipino pa ang sinasawata ng NSOC, kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa tuwing papalaot sa hilagang bahagi ng West Philippine Sea.
Katwiran ng BFAR, may fishing ban pa. Ipagpalagay na nating ganun nga. Bakit ang mga mangingisdang Pilipino lang ang kanilang sinasawata habang ang naglalakihang Chinese fishing vessels ay tuloy lang sa pangingisda sa loob pa mismo ng ating EEZ?
Nakakalungkot isiping nagpapagamit ang NSOC sa BFAR na wari ko’y kasapakat ng mga utak sindikatong taong-gobyerno sa likod ng importation permit para sa 60,000 toneladang isda bilang tugon sa palsipikadong datos na nagsasabing kinakapos tayo ng suplay ng mga yamang dagat sa ating mga pamilihan.
Tumbukin na natin – ang BFAR ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Agriculture (DA) kung saan naghahari ang utak-sindikatong opisyal ng gobyerno.
Katunayan, mismong mga mangingisda sa Region 1 ang nakipag-ugnayan at nagsumbong hinggil sa anila’y literal na pagtataboy sa kanila ng NSOC at BFAR.
Ang siste, hindi limitado sa pagsaway ang NSOC. Ginagamit din silang arresting unit laban sa anila’y mangingisdang Pinoy na hindi susunod sa kanilang direktiba.
Susmaryosep! Hindi pa ba sapat ang Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) – Maritime Command at kailangan pa talagang NSOC ang i-deploy sa karagatan para lang sa simpleng misyon?
Ang tanong – terorista ba ang tingin ng NSOC sa mga mangingisdang Pilipino? O baka naman napagkamalang dayuhan? Ang totoo, sadyang maraming dayuhan sa ating karagatan – mga Tsinong tila untouchable bunsod na rin ng hayagang pangungunsinti ng administrasyong Duterte, higit na kilalang malapit kay Xi Jinping.
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
278 