HINIMOK ng bagong talagang National Bureau of Investigation (NBI) Director na si Atty. Melvin Matibag si dating presidential spokesperson Harry Roque na umuwi ng Pilipinas at harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya kaugnay ng isyu ng human trafficking sa POGO hub.
“Come home and face all the charges,” pahayag ni Matibag matapos ang courtesy call sa Department of Justice (DOJ).
Nauna nang sinabi ni Roque na ang pagkakatalaga kay Matibag sa NBI ay gantimpala umano sa paghahain nito ng disbarment complaint laban sa kanya kaugnay ng “polvoronic” video.
Ayon kay Matibag, karapatan ni Roque ang magpahayag ng opinyon ngunit may kaakibat itong responsibilidad.
“Yung sinasabi niyang gantimpala, pananaw niya po ‘yun,” ani Matibag.
Mariin din niyang itinanggi na reward mula sa administrasyon ang kanyang appointment. Aniya, matagal na niyang nais magsilbi sa NBI at nag-apply siya agad matapos manalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Bilang bagong NBI chief, isa sa kanyang prayoridad ang pagsugpo sa fake news at ang pagiging transparent sa mga iniimbestigahang kaso.
“Everybody will be treated the same. The bureau is for everybody. Protector tayo ng taong-bayan,” aniya.
(JULIET PACOT/JOCELYN DOMENDEN)
5
