DAVAO CITY – Sa hangaring palakasin ang border protection sa gawing timog ng bansa, napagkasunduan ng mga kinatawan ng Bureau of Customs (BOC) at National Bureau of Investigation (NBI) ang sabayang pagkilos, kasama ang iba pang katuwang na ahensya ng pamahalaan kontra smuggling at human trafficking.
Sa isang kalatas ng BOC-Davao, inihayag ang naganap na pagpupulong kung saan inilatag ang mga estratehiya at angkop na pagtugon para tuldukan ang mga ilegal na pagpasok ng mga kontrabando at pagpasok ng mga banyagang hindi dokumentado.
Kabilang din sa lumahok sa talakayan ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Coast Guard (PCG) na kapwa nagpahayag ng suporta para sa mas pinalakas na mekanismong magbibigay proteksyon sa mga hangganan (border).
“The BOC-Port of Davao met with members of the PCG’s Task Force Aduana on strengthening border protection in their shared areas of responsibility,” ayon pa sa kalatas ng nasabing distrito.
Ibihagi din ni BOC-Davao District Collector Erastus Sandino Austria ang mga tampok na probisyon sa ilalim ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at iba pang kaugnay na reglamento.
Ibinida rin niya ang kahalagahan ng palitan ng datos at impormasyon ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan para tuluyan nang mapuksa ang aniya’y malawakang puslit-kontrabando sa gawing timog ng kapuluan.
Buwan ng Setyembre nang dumalo ang BOC-Davao sa isang pagpupulong ng Sub-Committee C ng Border Crossing bilang paghahanda sa 39th PH-ID Border Committee Chairman’s Conference.
Sa naturang pulong tinalakay ang paggamit ng pasaporte sa halip na border-crossing cards, consular access, kalakalan, paggamit ng mga sopistikadong sasakyang-dagat sa pagbabantay sa mga hangganan, at ang kampanya kontra smuggling at terorismo.
Isinulong din ang pagrerebisa ng 1975 border patrol and border crossing agreement sa pagitan ng Pilipinas at bansang Indonesia para sa mas mabisang pagpuksa sa mga ilegal na aktibidades kabilang ang smuggling at terorismo.
(BOY ANACTA)
