NCR HOSPITALS, VOLUNTEERS ALL SET NA SA TRASLACION 2025

(JULIET PACOT/CHRISTIAN DALE)

NAKAALERTO na ang mga ospital sa buong Kamaynilaan bilang paghahanda sa tradisyunal na Feast of the Black Nazarene na taunang dinadagsa ng mga deboto sa darating na Huwebes, Enero 9, 2025.

Ito ay makaraang isailalim ng Department of Health (DOH) sa Code White Alert ang mga ospital para sa pagresponde sa emergencies sa anomang oras partikular na ang mga concerned hospital personnel gaya ng doktor, nurses, surgeons at iba pa.

Iniulat sa press conference ni DOH Health Emergency Management Bureau chief Dr. Irvin Miranda, bukod sa NCR, inilagay rin sa Code White ang ilang pagamutan sa Central Luzon at Calabarzon.

Mayroon ding 20 hospital health emergency response teams mula sa mga ospital ng DOH.

Magtatalaga rin ang Philippine Red Cross (PRC) ng volunteers, mga kawani, at resources para sa naturang kapistahan.

Aabot sa 500 tauhan ang idedestino, kasama ang 17 first aid stations at 18 ambulansya mula sa Metro Manila.

Sundalo Idedeploy Rin

Samantala, inanunsyo ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magdadagdag ng pwersa ang militar para tumulong sa pagbibigay seguridad sa Traslacion.

Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, magpapakalat ng hindi pa binanggit na bilang ng mga sundalo sa prusisyon ng imahe ng Poong Hesus Nazareno.

Paliwanag pa ni Col. Trinidad, nakikipag-ugnayan na sa ibang law enforcement agencies ang Joint Task Force NCR ng AFP para tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa tradisyon ng mga namamanata ng Poong Hesus Nazareno.

Special Non-working Holiday

Kaugnay nito, idineklara ng Malakanyang ang Huwebes, Enero 9, 2025, bilang special non-working day sa Lungsod ng Maynila para sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno.

Nakasaad ito sa ipinalabas na Proclamation No.766 na pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, may petsang Enero 3 na may pahintulot naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang tradisyunal na pahalik (kissing of the image) ay isasagawa mula Enero 7 hanggang 9.

Isang overnight vigil at programa naman ang magsisimula sa gabi ng Enero 8 at magpapatuloy hanggang sa umaga ng Enero 9.

Sa Enero 9, pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang midnight Mass bago ang Traslacion, isang grand procession na dinadaluhan ng milyong deboto.

88

Related posts

Leave a Comment