NETS NILAMPASO NG BUCKS

BALITANG NBA Ni VT ROMANO

PINANGUNAHAN ni Giannis Antetokunmpo ang title defense ng Bucks sa pamamagitan ng paglampaso sa Brooklyn Nets, 127-104, sa pagbubukas ng NBA season sa Milwaukee, Miyerkoles (Manila time).

Sa kanyang unang laro sapol nang itala ang 50 points sa title-clinching Game Six NBA Finals win kontra Phoenix Suns, umiskor si Antetokounmpo ng 32 points, may kasamang 14 rebounds at seven assists.

Sina Khris Middleton at Pat Connaughton ay nagdagdag ng 20 points para tulungan ang Bucks, na nabawasan ng piyesa nang hindi na makalaro sa second half si Jrue Holiday sanhi ng bruised right heel. May 12 points si Holiday.

May 32 points at 11 rebounds din si Kevin Durant, habang si Patty Mills ay nag-ambag ng 21 points at shot 7 of 7 mula sa 3-point range. Nagsumite si James Harden ng 20 points.

Hindi nakalaro si star guard Kyrie Irving, bunga nang pagtangging magpa-anti COVID-19 vaccine.

May mandato ang New York na nire-require lahat ng professional athletes sa local teams na magpabakuna para makapag-praktis at makalaro sa public venus.

Sa halip na paglaruin si Irving sa road games, nagdesisyon na lamang ang Nets na hindi na gamitin sa laro o kahit sa praktis ang player, hangga’t hindi nagpapabakuna.

Matapos tanggapin ang kanilang championship rings at pagtataas ng banner bilang selebrasyon ng unang NBA title sapol 1971, tinalo ng Bucks ang koponang kamuntik nang magpatalsik sa kanila sa second round ng playoffs.

Mula sa 2-0 deficit ang Milwaukee at bumangon at tinalo sa Game 7 ang Brooklyn sa overtime nang ang potential series-winning 3-pointer ni Durant sa final seconds ng regulation ay maging game-tying 2-point basket.

Kumamada ang Bucks ng 21-4 run sa first quarter at mula sa 10-8 lead, pinalobo ito sa 31-12. Umabot pa sa 19 ang abante ng tropa ni Antetokunmpo sa second quarter at angat pa, 66-59 sa halftime.

Hindi na bumaba pa sa se-ven points ang abante ng Bucks at tuluyang iniwan ang kalaban.

Nakakuha ang Milwaukee ng 15 points mula kay Jordan Nwora, 2020 second-round pick, na hindi kasali sa Bucks’ rotation bilang rookie, ngunit handa nang sumabak sa mas malaking role ngayong taon.

Nagdagdag naman si Grayson Allen ng 10 points.

Sa susunod na laro, dadayo ang Bucks sa Miami sa Biyernes. Habang tutungo sa Philadelphia ang Nets sa Sabado.

CURRY, TRIPLE-DOUBLE
SA GSW WIN vs LAKERS

NAGTALA si Stephen Curry ng triple-double, 21 points, 10 rebounds at 10 assists, at akayin ang Golden State Warriors, mula sa 10 points down tungo sa pagsindak kina ­LeBron James, Anthony Davis at ang new-look Lakers, 121-114 sa season opener sa Staples Center sa Los Angeles, Miyerkoles (Manila time).

Sinira ng Warriors ang gabi sa Hollywood, kung saan sina superstars James at Davis ay nagpamalas ng brilliant performance sa tatlong quarters, bago nanlamig sa fourth.

Umiskor si James ng 34 points at may 11 rebounds, habang 30 points at 11 rebounds naman mula kay Davis. At wala nang iba pang Lakers ang umsikor ng double figures.

Four for 13 naman si Russell Westbrook para sa total eight points sa kanyang Lakers debut.

Bago matapos ang third quarter, angat pa ang ­Lakers, 84-74, mula sa jumper ni Kent Bazemore, at unti-unting hinabol ni Warriors.

May tatlong free throws shots si Curry sa papaupos na oras sa third quarter, nang ma-foul mula sa 3-point arc, at bumato sina Jordan Poole at Damion Lee ng tig-isang 3 pointers sa pagbubukas ng fourth.

Kasunod nito ang layup ni Poole, 9:17 sa laro para kunin ng Warriors ang 91-90 lead. Tumapos si Poole na may 20 points.

Pinalawig ng Warriors ang lead sa 98-90, bago dalawang beses dumikit sa two points ang Lakers.

Ngunit magkasunod na tres ang ibinato nina Curry at Nemanja Bjelica para muling makalayo ang Warriors.

Si Bjelica ay may 15 points at 11 rebounds, nagdagdag si Lee ng 15 points.

Dinomina nina Davis at James ang halos kabuuan ng laro, habang isa-isang pinapasok ang mga bagong teammates, kasama si L.A. native at former league MVP Westbrook, Carmelo Anthony, Rajon Rondo, Dwight Howard at DeAndre Jordan.

Ang Lakers, 0-6 sa preseason, angat sa halftime, 59-53.

Sunod na makakasagupa ng Lakers sa Sabado ang Phoenix Suns. Habang Los Angeles Clippers naman ang katapat ng Warriors sa Biyernes.

184

Related posts

Leave a Comment