PLANO ng Philippine National Police (PNP) na palagiang magsagawa ng neuro examination sa kanilang hanay.
Sa Laging Handa public press briefing kamakailan, sinabi ni PNP Spox PGen Ildebrandi Usana na posible nila itong isagawa kada anim na buwan o kada isang taon.
Aniya, layon nito na masuring mabuti ang behaviour ng isang pulis.
Kasunod ito ng mga kontrobersyang kinasangkutan ng ilang pulis noong isang taon at ang pinakahuli ay nito lamang nakalipas na Sabado sa Sta. Rita, Pampanga kung saan binaril at napatay ng isang pulis ang napagkamalang magnanakaw.
Ani Usana, sadyang napaka-stressful ng trabaho ng isang pulis na kung minsan ay napapabayaan na nito ang sariling pamilya kung kaya’t mahalagang masuri ang kanilang mentalidad upang matukoy kung sila ay nasa katinuan pa.
Sa kasalukuyan, isinasagawa ang neuro exam sa hanay ng Pambansang Pulisya sa recruitment, schooling at kanilang promotion lamang.
Sa kabila naman ng magkakasunod na kontrobersya ay hindi umano bumaba ang morale ng Pambansang Pulisya sa kabuuan.
Sinabi ni Usana na mandato pa rin ng PNP na protektahan ang estado.
Ibinida rin niya ang accomplishments ng PNP tulad ng pagkakakumpiska kamakailan ng higit P200M halaga ng shabu na dapat din namang tignan o kilalanin ng publiko.
Nauna nang kinondena ng pamunuan ng PNP ang pamamaril ng pulis na si Jonel Nuezca sa mag-inang Gregorio sa Paniqui, Tarlac.
Samantala, sa isang pahayag ay sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na wala pa silang nakikitang dahilan para rebyuhin o ireporma ang mga polisiya ng PNP kaugnay sa pagtanggap o pagrerekrut ng mga bagong police personnel.
Aniya, hindi na kinakailangan na magpatupad ng mga pagbabago sa recruitment guidelines ng PNP dahil palagi naman aniyang nagsasagawa ng pamamaraan ang PNP para makakuha ng “the best and the brightest” na mga new member.
Inamin ni Sec. Roque na mula nang dumoble ang suweldo ng mga pulis ay parang naging market-driven na ang propesyong ito at marami nang nagnanais na maging pulis.
Dahil dito, mas nagiging selective na aniya ang pamunuan ng PNP at tumataas na ang standards sa pagpili ng mga kinukuha o hina-hire na pulis.
(CHRISTIAN DALE)
