APRUB na sa special panel ng House of Representatives ang panukalang maglalatag ng mga patakaran kung paano ipatutupad ang “new normal” sa public spaces, trabaho at komunidad.
Ang panukalang “The Better Normal for the Workplace, Communities, and Public Spaces Act of 2020” ay inaprubahan ng House’s Defeat COVID-19 Committee (DCC) at sa susunod na linggo ay nakatakdang isalang sa House Plenary para sa deliberasyon.
Nakalatag sa panukala ang ipatutupad na measures ng pamahalaan sa pagpapairal ng “new normal” na pamumuhay habang nasa pandemic ang bansa. Inaasahang iiral ang “new normal measures” sa loob ng tatlong taon o depende sa magiging kautusan ng Pangulo.
Nakapaloob sa panukala ang pagpapatupad ng protocols gaya ng pagsusuot ng face masks sa public spaces, paglalagay ng handwashing at sanitizing stations sa public areas, temperature checks at pagpapairal ng physical distancing.
Ang public gatherings ay ipinagbabawal sa ilalim ng panukala subalit mayroong exception depende sa mabubuong implementing rules and regulations (IRR).
Ang local government units (LGUs) ang naatasang mag-regulate ng gatherings at ang daloy ng mga tao sa government-managed public spaces habang ang private sector ang magre-regulate sa mga tao sa privately organized gatherings.
Sa sektor ng edukasyon, ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ang magdedesisyon sa pagtukoy ng pagsisimula ng academic year gayundin ay naatasan na bumuo ng flexible learning programs kung saan limitado ang physical contact sa mga paaralan at nakapaloob din sa panukala na hindi parurusahan ang mga estudyante na hindi makapapagpartisipa sa online teachings dahil sa kawalan ng gadgets o internet connectivity.
Sa transportasyon, nakapaloob sa panukala na magkaroon ng universal at mandatory safety measures sa terminals, mass transportation at sa app-based transport network services.
Kinakailangan na ang mga pasahero ay nakaupo nang may pagitan na isang upuan at ipatutupad ang contactless payment mechanisms habang suspendido pa ang operasyon ng motorcycle taxis.
Sa private commercial at industrial workplaces ay dapat magkaroon ng Better Normal Workforce and Workplace Management Plan na susundin ng mga manggagawa. (ABBY MENDOZA)
321
