PINAKIKILOS agad ni Senate Committee on Public Works Chairperson Ramon Bong Revilla Jr ang Department of Public Works and Highways (DPWH) upang ayusin ang bahagi ng Roxas Boulevard malapit sa Baclaran na nasira.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nag-collapse ang lumang box culvert na sumusuporta sa kalsada na nagresulta sa temporary closure ng dalawang southbound lanes ng Roxas Boulevard malapit sa panulukan ng Airport Road sa Parañaque.
Nais ng senador na tapusin ng DPWH ang pagsasaayos sa loob ng isang linggo.
“Tinatawagan natin ang DPWH – kailangan gawin nila agad. Dapat agarang maayos yang nasirang kalsada. Do it in less than a week. It is already holiday season at sobrang busy na ng mga lansangan, lalo na diyan sa lugar na iyan. Ngayon pa nga lang grabe na ang traffic eh,” diin ni Revilla.
“At sana rin ay talagang i-audit ng DPWH ang mga public infra natin. Kung luma na pala yung sumusuporta sa kalsada, hindi ba dapat noon pa siya na-retrofit?,” giit ng mambabatas.
“Para di na sana nagkakaroon ng ganitong mga aberya. I am appealing to the department to take immediate action. Pangunahin pa rin dito ang kaligtasan ng ating mga motorista. Buti kamo walang naaksidente,” dagdag ng senador.(Dang Samson-Garcia)
38