Gatchalian nanawagan para sa mas pinaigting na kamalayan sa pag-iwas sa sunog

Nanawagan si Senador Win Gatchalian ng mas pinaigting na fire prevention awareness campaign para maiwasan ang mga insidente ng sunog sa gitna ng pagdiriwang ng bansa ng Fire Prevention Month ngayong Marso.

Ginawa ni Gatchalian ang panawagan sa kanyang pamamahagi ng relief goods at personal na pagbisita sa mahigit isang libong pamilya sa Piapi, Davao City noong Biyernes na pawang mga biktima ng sunog. Nangyari ang sunog noong Pebrero 25 at sinasabing nagmula kung hindi sa mga batang nagsusunog ng copper wires ay mula sa naiwang bukas na butane stove ng isang residente.

Kaya naman muling nagpaalala si Gatchalian, punong may-akda ng LPG Industry Regulation Act, sa mga mamimili sa wastong paggamit ng liquefied petroleum gas (LPG) o tangke ng LPG upang maiwasan ang sunog dahil mahigit 50% ng mga kabahayan sa bansa ang umaasa sa LPG para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan sa pagluluto.

Layon ng LPG Industry Regulation Act o RA 11592 na punan ang mga regulatory gaps sa industriya, kabilang ang pagtiyak sa pag-alis ng mga hindi ligtas na tangke o peke mula sa sirkulasyon upang maiwasan ang mga insidente ng sunog. Naglagay din ang batas ng cylinder exchange at swapping program upang payagan ang mga mamimili na makabili ng bagong tangke kahit na ibang brand ng tangke ang dala nito. Samantala, sa ilalim naman ng LPG Cylinder Improvement Program, tinitiyak dito ang kalidad ng lahat ng LPG cylinders sa sirkulasyon upang maprotektahan ang mga mamimili.

“Maging mapagmatyag sa paligid at maging mapanuri sa mga binibiling LPG cylinder. Siguraduhing nakasara ang tangke ng LPG sa tuwing hindi ito ginagamit upang maiwasan ang mga aksidente na maaaring kumitil ng buhay,” giit ni Gatchalian.

Sinabi rin ng senador na ang angkop na kampanya upang maiwasan ang sunog, partikular sa mga makikitid na daan at lugar, ay magbibigay-daan sa mga residente na epektibong matugunan ang mga panganib sa sunog at mabisang harapin ang mga ganitong insidente.

“Kailangang maging maalam ang ating mga kababayan sa fire prevention. Kung kakayanin, maglagay ng fire extinguisher sa kanilang mga tahanan at dapat alamin kung saan ang kailangan na fire hydrant,” aniya. Sa kaso ng nagdaang sunog sa Davao, pahirapan sa mga bumbero na apulahin iito dahil sa makitid na mga daanan na nagsilbing hamon sa kanilang pagresponde.

# # #

588

Related posts

Leave a Comment