SANA TAMA ANG DESISYON N’YO

MANINIKTIK ni GREGORO SAMAT

HINDI pa tapos ang botohan habang tinitipa ko ito pero nananalangin ako na tama ang desisyon ng sambayanang Pilipino sa pagpili nila ng mga lider na mamumuno sa atin at sa bansa sa susunod na tatlong taon.

Hanggang kasi sa huling mga oras bago nagtungo sa mga presinto ang mga botante, maraming kandidato sa local, mula sangguniang bayan (SB) hanggang congressman ang namimili ng boto ang kanilang coordinators.

Sana hindi pera ang nagdesisyon kung sino ang mananalo at magiging lider natin kundi ang konsensya para sa kapakanan ng buong bansa dahil ang perang natanggap ng mga botante ay tiyak na babawiin ng mga kandidatong namili ng boto.

Sa senatorial race, ang daming kwalipikado pero marami sa kanila ang hindi lumabas sa pinakahuling survey na may pag-asang manalo kaya nakalulungkot at naka-aawa ang ating bansa.

Maraming pumasok sa magic 12 ang walang napatunayan gayung tumanda na sila sa Senado pero ibinoboto pa rin ninyo dahil lamang sa sila ay sikat kumpara sa ibang kandidato na alam mong may kakayahan pero dahil hindi masyadong kilala ay hindi niyo sila ikinokonsidera.

Maging sa local eleksyon mula sa governor hanggang SB members ay mukhang pera ang nagdedesisyon dahil kung sino ang malaki ang naibigay ay siya ang may pag-asa habang ‘yung mga alam niyong may kakayahan ay ayaw ninyo dahil wala silang pera.

May mga kandidato na namili ng boto sa halagang P2,000 bawat botante. Manunungkulan sila ng 1,095 araw sa loob ng tatlong taon at kung kukwentahin mo bawat araw, ang kanilang ibinayad sa iyo ay P1.80 lang.

‘Yung iba naman namili ng P1,000 kada botante kaya ang nagiging bayad sa inyo ay 90 centavos kada araw at ‘yung mga mayoralty candidate na namili naman ng P500 kada tao ay 45 centimos kada araw ang halaga ng boto n’yo.

Paano naman ‘yung SB members na P50 kada botante ang ibinigay? Ginagawa kayong timawa tapos magrereklamo kayo na walang kwenta ang mga namumuno sa inyo pero hindi n’yo inisip na kaya sila ganyan ay dahil din sa inyo.

Hangga’t marami ang nagbebenta ng boto ay hindi titigil ang mga politikong ‘yan sa pamimili para masiguro ang kanilang panalo dahil mababawi naman nila ang perang ‘yan kapag sila ay nakaupo na.

Binabawi nila sa kanilang mga kupit sa mga proyekto kaya maraming infrastructure projects ang hindi nagtatagal dahil doon nila kinukuha ang ipinambili nila ng boto n’yo tapos magrereklamo tayo na dispalinghado ang mga proyekto, ‘di ba? Sana tama ang desisyon niyo.

68

Related posts

Leave a Comment