KONSTRUKSYON NG BAGONG LP CITY COLLEGE IKINASA NG LGU

PINANGUNAHAN ni Mayor Imelda T. Aguilar kasama ang anak na si Vice Mayor April Aguilar, ang groundbreaking ceremony sa pagsisimula ng konstruksiyon ng 10 palapag na gusali ng Las Piñas City College of Engineering Nene Aguilar Campus sa Barangay Talon Dos ng lungsod.

 

 

SISIMULAN na ng Pamahalaang Lokal ng Lungsod ng Las Piñas ang konstruksiyon ng bagong gusali ng Las Piñas City College of Engineering Nene Aguilar Campus sa Barangay Talon Dos.

Ito ay matapos isagawa nitong Mayo 2, 2023 ang simpleng seremonya ng ground breaking sa pangunguna ni City Mayor Imelda “Mel” T. Aguilar kasama ang anak nitong bise alkalde ng lungsod na si Vice Mayor April Aguilar upang pormal na bigyang-hudyat ang pagsisimula ng konstruksiyon ng 10 palapag na gusali ng naturang kolehiyo.

Sinabi ni Mayor Aguilar na ang pagtatayo ng karagdagang gusali sa kolehiyo ay bahagi ng kanyang pinaprayoridad na programang pang-edukasyon upang maihatid ang mas dekalidad na edukasyon at libreng pag-aaral para sa mga Las Piñeros.

Idinagdag pa ng alkalde na naging posible ang proyektong ito sa tulong ng bise-alkalde at sa pinamumunuang Sangguniang Panlungsod (City Council) upang maglaan ng sapat na pondo na gagamitin sa ganitong magagandang programa ng lokal na pamahalaan.

Ani Mayor Aguilar, mahigit sa 4,000 na iba pang iskolar ng Las Piñas ang inaasahang makikinabang sa libreng pag-aaral sa kolehiyo kapag nakumpleto ang konstruksiyon ng naturang campus.
Binigyang-diin pa ng alkalde ang importansya ng bagong kolehiyo dahil mabibigyan ng maganda at makabagong mga pasilidad ang mga estudyante na nagnanais mag-aral nang libre sa iba’t ibang kurso ng engineering.

Tiwala si Mayor Aguilar na sa pamamagitan nito ay makalilikha ng maraming mahuhusay at propesyonal na inhinyerong taga-Las Piñas na maghahatid ng tagumpay at karangalan hindi lamang sa lungsod kundi sa ibang panig ng daigdig.

Inilahad pa ng alkalde na isa ito sa paraan niya upang ibalik ang ipinagkaloob na tiwala at walang sawang suporta ng mamamayan ng Las Piñas sa ilalim ng kanyang ipinangakong tuloy ang tapat at progresibong serbisyo.

Samantala, dumalo rin sa kaganapan ang mga konsehal ng Las Piñas na sina Councilors Danilo Hernandez, Mark Santos, Peewee Aguilar, Lord Aguilar, Florante Dela Cruz, Henry Medina, Roberto Cristobal, Rachelle Dela Peña, department heads at si DFCAM-CLP President Ramoncito Jimenez. (DANNY BACOLOD)

155

Related posts

Leave a Comment