SOUTH AFRICAN ARESTADO SA P42-M SHABU

ISANG South African national ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency dahil sa tangkang pagpuslit ng anim na kilo ng shabu na may standard street value na umabot sa P42 million noong Sabado ng gabi.

Ayon sa ulat na isinumite ng PDEA Regional Office-National Capital Region, nagkasa ang Ninoy Aquino International Airport-NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) na binubuo ng PDEA, Bureau of Customs NAIA, NBI at PNP Aviation Security Group (AVSEG), Airport Police Department (APD), PNP Drug Enforcement Group, sa Customs International Arrival, Terminal 3 ng nasabing paliparan.

Kinilala ang nadakip na banyaga na si Phillip Theunissen, sinasabing naninirahan sa No. 3 Apollo Drive, Riviera Park, Mafikeng, South Africa.

Nahulihan ito ng tinatayang 6,200 gramo ng methamphetamine na nakatago sa kanyang bagahe, na tinatayang may standard drug value na umabot sa P42,160,000.

Sinasabing nang dumaan ang dinakip na foreigner sa custom area ng NAIA Terminal 3 ay napuna ng mga tauhan ng Aduana ang kahina-hinalang pakete kaya isinailalim ito sa masusing examination ng BOC-NAIA at NAIA-IADITG

Kinumpirma ng PDEA na ilegal na droga ang dala ni Theunissen, na nakasilid sa transparent plastic na tumitimbang ng 6.2 kilogram.

Bukod sa droga ay kinumpiska rin ng mga awtoridad ang cellular phones, travel documents, at identification cards ng suspek sa nasabing anti-illegal drug operation.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 4 ng Art. II ng RA 9165. (Importation of Dangerous Drugs). (JESSE KABEL RUIZ)

40

Related posts

Leave a Comment