BINULAGA ng mga tauhan ng Warrant Section at puwersa ng Regional Mobile Force Battalion ng NCR, ang isang 46-anyos na security guard na suspek sa kasong rape, nang matunton sa Imus City, Cavite noong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Nestor Celestial, residente ng Barangay Manuyo Uno, Las Piñas City.
Base sa ulat ni Police Major Joselito Delos Reyes ng Warrant Section ng Manila Police District, bandang alas-11:00 ng umaga nang mamataan ang suspek sa Nuevo Avenue, Barangay Buhay na Tubig sa Imus City.
Kasama sina Police Chief Master Sergeant (PCMS) Mirasol Espiritu ng Women’s and Children Concern Desk; Police Lieutenant Marvin Peralta ng Intel Section, at Police Major Vilmer Miralles, ng 4th MFC- RFMB at ilan nitong tauhan, ay inaresto ang suspek sa nabanggit na lugar.
Inaresto ang suspek sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Presiding Judge Ma. Theresa Chan Bueno, ng Manila Regional Trial Court Branch 5, sa kasong statutory rape.
Ayon sa record ng pulisya, ang suspek ay responsable sa panggagahasa sa isang 14-anyos na dalagita sa Las Piñas City.
Ang naturang suspek ay top 2 most wanted person sa district level. Walang inirekomendang pyansa ang korte para sa nasabing kaso ng suspek. (RENE CRISOSTOMO)
288