Tumangging idiin si Cong. Teves sa Degamo killing MAG-ASAWA DINAMPOT NG CIDG, KAPATID DUMULOG SA CHR

Nagsadya sa Commission on Human Rights (CHR), Quezon City kahapon ang isang ginang para ireklamo ang ginawang pag-aresto ng kanyang kapatid at asawa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group, Dumaguete City noong Marso 10, 2023.

Si Hazel Sumerano, may sapat na gulang, Pilipino at residente ng Tinastasan, Brgy. Malabugas, Bayawan City, Negros Oriental ay nagtungo sa CHR kasama ang kanilang abugadong si Atty. Roberto Diokno para i-file ang kanyang walong pahinang sinumpaang salaysay laban sa mga tauhan ng CIDG.

Nakapaloob sa reklamo ni Sumerano na noong Marso 10, 2023 dakong alas-4 ng hapon sa Tinastasan, Brgy. Malabugas, Bayawan City, Negros Oriental ay may mga armado at unipormadong kalalakihan na nagpakilala na sila ay mga miyembro ng CIDG at sinabing mayroon silang Search Warrant na isisilbi laban kay Hanna Mae.

Personal na tinanggap ni Sumerano ang Search Warrant na kinuwestiyon niya ito dahil ang nakalagay dito ay isang “Alias Hanna Mae” lamang na walang apelyido.

Sa kabila ng kahilingan ni Sumerano para sa paglilinaw ang unipormado at armadong mga kalalakihan ay ipinagpatuloy ng mga ito ang paghalughog sa bahay.

Iginiit din niya na hindi maaaring magsilbi ng Search Warrant ang mga tauhan ng CIDG na wala silang kasamang barangay official at suportang mga testigo.

Makalipas ng ilang minuto ay dumating si Kagawad Monica Ventura Lintag atsaka binuksan ang bahay nila Hanna Mae Oray.

Habang nagsasagawa ng paghalughog ang mga tauhan ng CIDG ay nagbi-video si Sumerano sa pamamagitan ng kanyang cellphone subalit pinagbawalan siya ng mga ito.

Matapos ang isa hanggang tatlong oras na paghalughog ng mga tauhan ng CIDG sa bahay nila Hanna Mae ay wala silang nakitang anumang baril.

Subalit nang tanungin ng CIDG si Heracleo Oray, asawa ni Hanna Mae kung may baril siya sa lugar ay sinabi nitong mayroon siyang dalawang lisensyadong baril.

Dahil dito, ay ipinakita ni Ginoong Oray ang nasabing dalawang lisensiyadong baril sa mga tauhan ng CIDG kasama ang mga dokumento nito.

Pagkatapos isagawa ang pagsisilbi ng Search Warrant ng CIDG ay isinama ng mga ito ang mag-asawang Oray sa Bayawan Police Station para sa umanoy beripikasyon ng lisensiya ng mga baril.

Sa kabila ng pagtanggi ng mag-asawa na sumama ay pwersahan silang isinama ng mga tauhan ng CIDG at pinagsabihan pa ang lahat ng mga miyembro ng pamilya na burahin ang kanilang video sa kanilang cellphones sa nangyaring pagsisilbi ng Search Warrant.

Imbes na sa Bayawan Police Station dalhin ang mag-asawa Oray ay sa Dumaguete CIDG Office na kung saan ay sinabihan silang ni-revoke na ang lisensiya ng dalawa nilang baril.

Dahil umano revocation ng nasabing mga baril ay agad inaresto ang mag-asawang Oray para sa illegal possession of firearms.

Sa panayam ng SAKSINGAYON kay Sumerano, sinabi ng kanyang kapatid na si Hanna Mae na tinatakot umano ito ng taga-CIDG at ipinadidiin si Cong. Arnie Teves na kanyang boss sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Tinakot din sila ng mga taga-CIDG na kung hindi sila susunod ng ay isasama sila sa 2019 murder case sa Negros Oriental para sa three (3) counts of murder.

Binantaan din sila (mag-sawang Oray) na makukulong sila ng 60-taon hanggang habamgbuhay na pagkakakulong.

Kaugnay nito, ay minabuti ni Sumerano kasama ni Atty. Diokno na magpasaklolo sa CHR national office para idulog ang panggigipit at pananakot sa kanila ng mga tauhan ng CIDG.

Ang mag-asawang Oray ay kasalukuyan nasa pangangalaga ng CIDG-NCR sa Camp Crame, Quezon City na kung saan ay kinuwestiyon ni Atty. Diokno kung bakit sila dinala dito.(Joel O. Amongo)

687

Related posts

Leave a Comment