SMUGGLERS LAGOT!

Ni JOEL O. AMONGO

 

BILANG na nga ba ang araw ng mga siga sa Aduana? Pwedeng oo, pwedeng hindi pa.

Pero kung ako ang tatanungin, malaking bentahe ang sel­yadong kasunduan sa pagitan ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Justice (DOJ) kaugnay ng kolektibong pagkilos para ipakulong ang mga negosyanteng tuso at mga utak-sindikatong nasa gobyerno.

Sa naganap na pag-uusap sa pagitan ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio at Justice Secretary Crispin Remulla, malinaw ang kanilang adyenda – wakasan ang pamamayagpag ng mga negosyanteng mandaraya.

Gayundin ang kanilang puntirya sa mga tiwaling opisyales at empleyado ng BOC.

Ang totoo, hindi naman naging pabaya ang BOC sa pagsasampa ng mga karampatang kaso sa mga negosyanteng bulilyaso. Pati nga ang mga inaakalang kakuntsaba sa gob­yerno, sinampahan ng reklamo – may binalaan, sinuspinde, sinibak at ang iba naman, ipinatapon sa malayong lalawigan.

Gayunpaman, tila hindi sapat ang malamyang kastigo. Para sa akin, bonggang bakasyon sa hoyo, bagay na kapwa isinusulong diumano nina Remulla at Rubio.

Bilang pambungad, binuksan ang linya ng komunikasyon 24-oras para sa sumbong, reklamo, katanungan at suhestiyon. Sa madaling salita, lahat kasali sa reporma.

Binalikan din ng dalawang opisyal ang mga polisiyang posibleng nagsisilbing mitsa ng aregluhan at suhulan. Pati ang mga nakasampang kaso sa husgado, nirebisa at nagkasundo – ipakulong ang dapat makulong.

Sa isang banda, ‘yan naman talaga ang dapat sa mga nandaraya sa pagbabayad ng tamang buwis at taripang kala­kip ng mga pumapasok at lumalabas na kargamento.

Pero, ano nga ba ang pinakamainam na mekanismo para tiyaking makukulong ang mga negosyanteng sukdulan ang kagulangan sa usapin ng obligasyon sa gobyerno?

Hindi ako abogado at hindi rin nagpapabibo. Sa ganang akin, malaking bentahe ang sinseridad ng pamunuan ng BOC at DOJ, sigasig ng mga abogadong hahawak ng kaso at matibay na ebidensya para ang mga smuggler at mga kakuntsabang tiwali, masampolan ng bonggang bakasyon sa kwadradong hawla.

Angkop din marahil kung ang tinamasang yaman mula sa katas ng katiwalian, kumpiskahin at gamitin na lang ng pamahalaan sa ikabubuti ng mga mamamayan.

Pero teka, kung hindi ako nagkakamali, nasa 500 kaso ang isinampa ng Bureau’s Action Team Against Smugglers (BATAS) noong nakalipas na taon… ano na nga ba ang balita sa mga naturang asunto?

May naparusahan na bang big time smuggler? Parang wala pa naman yata.

Sana lang, sa tambalang Remulla at Rubio, mabawasan – kung hindi man kayang wakasan — ang pamamayagpag ng mga damuhong patuloy na nagbibigay pasakit sa mga Pilipino.
Para sa sumbong at reaksyon, mag-email joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cel# 0977-751-1840.

104

Related posts

Leave a Comment