TINAWAG ng grupo ng mga guro na ‘dolomite scam’ version ng Department of Education (DepEd) ang 166 unit ng Mitsubishi Strada na binili ng mga ito sa panahon ng pandemya.
Ayon sa ACT party-list na pinamumunuan ni Rep. France Castro, wala sa hulog ang pagbili ng DepEd ng nasabing mga sasakyan na gagamitin umano ng mga engineer ng ahensya sa kanilang mga field inspection.
“We were anguished with this insensible use of education money, especially when our teachers shoulder the costs for bond paper, ink, devices and internet connectivity needed just to make modular and online learning happen amid the pandemic. This is DepEd’s own kind of the dolomite scam,” ani ACT Secretary general Raymond Basilio.
Ang Dolomite scam na tinutukoy ng ACT party-list ay ang dinurog na dolomite mula sa Cebu na multi-million ang halaga at ipinantakip sa maitim na buhangin sa isang bahagi ng Manila Bay na ngayon ay inanod na dahil sa pagtaas ng tubig dagat dulot ng mga nagdaang bagyo.
Mas inuna umano ng ahensya ang mga engineer kesa sa pangangailangan ng mga public school teacher na hirap na hirap at gumagastos na ng sariling pera upang maturuan lang ang mga kabataan.
Ayaw tanggapin ng nasabing grupo ang depensa ng DepEd na ang mga nabanggit na sasakyan ay binili na nila bago mangyari ang pandemya sa COVID-19 dahil maaari naman anila itong iatras para unahin ang kapakanan ng public school teachers.
“Our teachers who were assigned in far-flung areas have long been climbing mountains on foot or on-board risky motorbikes. Today, they do this to deliver modules to learners’ houses, why hadn’t DepEd thought of alleviating their plight first?” tanong pa ni Basilio.
Mas maganda sana aniya kung ang mga sasakyang ito ay gagamitin para sa paghahatid ng modules sa mga estudyante sa malalayong lugar at hindi bilang service ng mga engineer lamang. (BERNARD TAGUINOD)
197
