PINASINAYAAN ni Mayor Isko Moreno-Domagoso nitong Lunes, Disyembre 22, 2025, ang pagbubukas ng bagong renovate na emergency room ng Ospital ng Sampaloc.
Natapos at nakumpleto ang pasilidad sa loob lamang ng 90 araw, alinsunod sa ipinangako ng alkalde.
Sumasalamin ang proyekto sa “Bilis Kilos” na pamamahala ng administrasyon ni Domagoso, na nagbibigay-diin sa mabilis na aksyon at napapanahong solusyon upang mapabuti ang serbisyong medical emergency para sa mga Manileño.
“Sabi ko sa inyo, 90 araw. Ipinangako ko ito sa mga tao ng Sampaloc. Basta bigyan n’yo lang ako ng 90 araw. Pero masaya ako, natapos agad bago mag-90 araw,” pahayag ng alkalde.
Idinisenyo ang bagong emergency room upang tugunan ang matagal nang isyu sa kaligtasan at kakulangan ng pasilidad sa mga pampublikong ospital. Binanggit ni Mayor Isko ang mga nakaraang kondisyon ng mga pasyente at health care personnel na kinailangang agad masolusyunan.
Ang bagong pasilidad ay mayroon nang malinaw na minarkahang triage at treatment areas, nurse stations, minor operating rooms, modernong hospital beds, at embedded oxygen system. Kasama rin sa mga na-upgrade ang mga support spaces tulad ng pharmacy window at mga accessible restroom.
Binigyang-diin din ni Domagoso ang kamakailang paglabas ng matagal nang naantalang Health Emergency Allowance (HEA) ng mga contact tracer at medical frontliner, na nakatanggap ng hanggang P72,000 matapos ang halos tatlong taong paghihintay.
Kasama ng alkalde sa pagpapasinaya si Vice Mayor Chi Atienza, gayundin ang iba pang matataas na opisyal ng pamahalaang lungsod at ng Ospital ng Sampaloc.
(JOCELYN DOMENDEN)
109
