MALIWANAG AT LIGTAS NA PASKO. Tiniyak ng Meralco sa mga customer nito ang kahandaan nito na tumugon sa anumang posibleng alalahanin sa serbisyo ng kuryente sa buong kapaskuhan. Makikita sa larawan ang Meralco Liwanag Park sa Lungsod ng Pasig.
MAYNILA, PILIPINAS, 22 DISYEMBRE 2025 — Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga customer nito na handa ang kumpanyang tumugon sa anumang posibleng maging alalahanin sa serbisyo ng kuryente ngayong kapaskuhan.
Mananatiling naka-alerto 24/7ang mga tauhan at crew ng Meralco kahit sa mismong Araw ng Pasko, upang matiyak ang tuluy-tuloy na serbisyo ng kuryente para sa ligtas, maliwanag, at masayang pagdiriwang ng mahigit 8 milyong customer ng kumpanya.
“Hinihikayat namin ang aming mga customer na makiisa sa pagpapanatili ng ligtas at masayang kapaskuhan sa pamamagitan ng ligtas na paggamit ng kuryente. Makakaasa kayo na handa ang aming mga crew na tumugon sa anumang posibleng maging alalahanin sa serbisyo ng kuryente,” ani Joe R. Zaldarriaga, Vice President at Head ng Corporate Communications ng Meralco.
Narito ang ilang paalala para sa ligtas na paggamit ng kuryente ngayong kapaskuhan:
• Tanggalin sa saksakan ang mga Christmas light at mga appliance kung hindi ginagamit: Huwag iwanang nakasaksak ang mga Christmas light at mga appliance kapag aalis ng bahay o matutulog.
• Gumamit ng mga Christmas light na may quality control marking: Kung gagamit ng lumang mga Christmas light, suriin ang mga ito nang mabuti dahil posibleng magdulot ng sunog ang mga basag, o sirang ilaw.
• Iwasan ang paggamit ng mga pako at mga thumb tack sa pagkabit ng mga Christmas light: Maaari nitong masira ang kable ng mga Christmas light. Gumamit ng mga light hanger na mabibili sa mga hardware.
• Iwasan ang “octopus” connection: Huwag pagdugtung-dugtungin ang mga extension cord. Isa sa karaniwang sanhi ng sunog ang pag-overload ng mga electrical outlet o extension cord.
• Maghanda ng fire extinguisher sa bahay: Makabubuti kung may nakahandang fire extinguisher sa bahay sakaling magkaroon ng sunog.
Bagama’t sarado ang mga Meralco Business Center sa Bisperas ng Pasko (Disyembre 24) at Araw ng Pasko (Disyembre 25), maaaring i-report ng mga customer ang anumang alalahanin sa serbisyo ng kuryente sa pamamagitan ng MyMeralco app, o sa mga opisyal na social media account sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X (@meralco). Maaari rin silang magtext sa 0920-9716211 o 0917-5516211, o tumawag sa Meralco Hotline 16211.
102
