NIA NANINDIGANG NAG-ABISO SA PAGPAPAKAWALA NG TUBIG SA MAGAT DAM

NILINAW ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) officials na gamit ang tri-media ay binalaan nila ang mga residente na naninirahan sa low-lying areas lalo na iyong mga nasa malapit sa Magat River at Cagayan River na lumikas sa mas mataas na lugar simula November 9 bago pa ang pananalasa ng bagyong Ulysses.

Nagpaliwanag ang NIA-MARIIS sa kanilang naging paghahanda para sa bagyong Ulysses kasunod ng samut saring batikos na kanilang natanggap mula sa mamamayan dahil sa malawakang pagbaha sa Isabela at Cagayan.

Ayon sa pamunuan ng NIA, kailangan ang ginawa nilang pagpapakawala ng tubig para huwag maabot ng dam ang critical level nito na 193 msl dahil maaaring makompromiso ang structural integrity nito at magresulta ng delubyo sa mga kalapit na munisipalidad at mas malakas na impact o malawakang pagbaha sa Region II.

Paliwanag pa ng NIA-MARIIS na ang Magat River ay isa lamang sa 18 river tributaries ng buong Cagayan River basin. Kumpara sa ibang River Systems, tanging ang Magat River ang may kakayahan makapigil o maka-antala ng pagbugso ng flood water sa pamamagitan ng Magat Dam.

Ayon kay Engr. Wilfredo Gloria, department manager ng NIA MARIIS, nasunod ang protocol sa pagpapalabas ng tubig mula sa kanilang water reservoir.

Nilinaw nito na tatlong araw bago ang pagdating ng bagyo ay nagsasagawa na sila ng pre-release o maagang pagpapalabas ng tubig bilang paghahanda sa idudulot na ulan ng bagyo.

Aniya, ikasiyam pa lamang ng Nobyembre ay nakapag-release na sila sa koordinasyon ng PAGASA na siyang nakaaalam kung gaano ang intensity o volume ng tubig na dala ng bagyo.

Dalawang unit aniya na may kabuuang apat na metrong lawak ng spillway gate ang kanilang binuksan kasabay ng pagpapakalat ng advisory o notices sa mga otoridad at mamamayan.

Napanatili umano ito hanggang ikalabing isa ng Nobyembre kung saan nanalasa ang bagyo sa bansa.

Madaling araw ng ikalabindalawa ng Nobyembre ay tumataas na ang inflow ng tubig sa dam kaya kinailangan na nilang magdagdag ng spillway gate para mapanatili ang normal na lebel ng tubig.

Alas siete ng umaga na aniya sila nagsimulang magbukas ng karagdagang spillway gate dahil sa laki ng lebel ng tubig na pumapasok sa reservoir at wala na silang magagawa pa kundi buksan ang pitong unit ng gate at napanatili ito hanggang sa sumunod na araw.

Nobyembre 13 ay pababa na ang lebel ng tubig kaya unti-unti na rin silang nagsara ng ilang metro sa opening ng gates hanggang sa dalawang unit na lamang ang bukas.

Ayon pa kay Engr. Gloria, hindi sila nagkulang sa pagbibigay ng paalala o advisory sa mga kinauukulan at sa mamamayan kaugnay sa Magat Dam na siyang catch basin ng 4,143 square kilometers na watershed at walong (8) upstream rivers na kinabibilangan ng Alimit, Lamut, Ibulao sa Ifugao Province at Abian, Matuno, Sta. Cruz, Marang, Sta. Fe river sa Nueva Vizcaya.

Dahil sa Magat Reservoir at Magat Dam na kumokontrol sa pagdaloy ng tubig mula sa mga ilog ay nababawasan hindi man mapigilan ang flash flood at mga pagbaha sa low-lying areas na maaring lumikha ng mas malaking pinsala.

Kaugnay nito, nanawagan si NIA Administrator Ricardo R. Visaya at NIA-MARIIS sa mga residente na maging alisto at paghandaan ang mga hakbangin laban sa landslides at flashfloods. (JESSE KABEL)

214

Related posts

Leave a Comment