HINDI kailanman matutumbasan ng monetary compensation ang dedikasyon at serbisyo ng public prosecutors, nararapat lamang na bigyan ng pagpapahalaga ang mga nagbubuwis ng kanilang buhay para sa serbisyo publiko.
Marami sa kanila ay inatasan na humawak ng mabibigat na kaso laban sa mga makapangyarihang tao. Itinalagang humawak ng high profile cases ng mga makapangyarihang tao.
Ayon kay National Prosecution Service (NPS) Head Prosecutor General (PG) Benedicto Malcontento, ang nilagdaang bagong batas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong January 11, 2022, ang Republic Act 11643 o kilala bilang “An Act Granting Survivorship Benefits to the Surviving Legitimate Spouse and Dependent Children of a Diseased Retired Member of the National Prosecution Service” ay hindi maikakailang magpapalakas pa lalo sa mahalagang papel ng mga prosecutor na kumilos sa lahat ng kaso nang walang takot o pabor, bilang pagpapatuloy ng mandato ng NPS bilang gatekeepers ng hustisyang kriminal.
Paliwanag ni PG Malcontento, ang bagong batas ay nagpapahintulot sa nabubuhay na lehitimong asawa at umaasang mga anak ng isang namatay na miyembro ng NPS, o opsyonal na nagretiro, na magkaroon ng karapatan sa mga benepisyo sa pagreretiro na natatanggap o karapat-dapat na matanggap ng nasawi o nagretirong prosecutors. Ang bagong batas ay isang retroactive na aplikasyon para sa mga tagausig na namatay isang taon bago ang bisa nito.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni PG Malcontento ang Pangulong Duterte at si Secretary of Justice Menardo Guevarra sa pagkakapasa sa naturang batas, kasama na ang Kongreso at Senado.
Samantala sa iisang pahayag, sinabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian na ang batas ay maaaring makatulong na palakasin ang moral ng mga prosecutor na puno ng mabibigat na kaso at nahaharap sa napakaraming hamon na maaaring makaimpluwensya sa kanilang paggawa ng desisyon at pagganap sa tungkulin.
Ayon pa kay Sen. Gatchalian, bagama’t mayroong opsyon na magpraktis ng propesyon ng abogasya sa mga pribadong kumpanya o maging self-employed, pinili aniya nilang maging public prosecutor at maging gatekeepers ng criminal justice sa bansa. Ito ay isang maliit na tanda kung isasaalang-alang ang mga seryosong suliranin at panganib na kinakaharap nila araw-araw sa pagganap ng kanilang mga tungkulin.
Batay naman sa talaan, mayroong kabuuang 66 na abogado ang napatay sa nakalipas na limang taon at 14 sa kanila ay dati o kasalukuyang prosecutor, kabilang si Assistant City Prosecutor Edilberto Mendoza mula sa Trece Martires, Cavite na binaril nang malapitan sa harap ng kanyang tahanan noong bisperas ng Bagong Taon.
185 