NAPABANGON nang maaga ang beteranong journalist na si Wilfredo “Willy” Capulong, isang umaga nitong nakaraang linggo dahil sa narinig na komentaryo sa isang national radio station tungkol sa “SBMA” (Subic Bay Freeport?).
Pero bago tayo magpatuloy, linawin muna natin ang pagkakaiba ng Subic Bay Freeport at SBMA o Subic Bay Metropolitan Authority. Marami kasi, kasama na ang kilalang media personalities at maging government officials, na mali ang pag-tukoy sa dalawa, at hindi sila nahihiya dahil siguro nga, hindi nila alam at hindi na nila inaalam.
Ito Ang Totoo: Ang SBMA ay ang otoridad na nilikha ng batas na R.A. 7227 para mangasiwa sa nilikha ring Subic Bay Freeport Zone (SBFZ).
Ibig sabihin, kung tutukuyin ang lugar, dapat Subic Bay Freeport Zone, Subic Bay Freeport o Subic Freeport ang tawag. Kaya mali na sabihing: “nagbakasyon ako sa SBMA” o kaya, “tara, kain tayo sa SBMA” dahil ang SBMA ay otoridad at hindi lugar.
Okay, class, nakakasunod ba kayo?
Para sa SBMA naman, ito ang tamang halimbawa: “Susulat ako sa SBMA para humingi ng paliwanag” o kaya “Kukuha ako ng ‘approval’ ng SBMA” dahil ang SBMA ang kapangyarihang namamahala sa Subic Freeport.
O, mga Senador, Congressmen, Cabinet Secretaries, News Anchors, Program Hosts, Columnists, at marami pang iba, malinaw na po ba?
Ito Ang Totoo: Binatikos ng radio host ang pamunuan ng SBMA (tama ang gamit ng salitang SBMA) dahil hindi na raw ito (mali dahil dapat Subic Freeport, hindi SBMA) pinupuntahan ng mga turista kasi napabayaan na ang mga damo, kalinisan at iba pang kapintasan.
Ito ang dahilan kung bakit ang local media man ng Subic Freeport na si Willy Capulong na kahit maagang magising dahil sa edad pero hindi agad nabangon at nagmumuni-muni muna, ay mapabalikwas.
Ang beteranong si “Tata Willy”, na nasa “media” na mula pa noong panahon ni Pangulong Elpidio Quirino, ay hindi makapaniwala sa mga naririnig dahil bilang mamamahayag na residente ng Subic Freeport, alam niyang mali, kung hindi tahasang kasinungalingan, ang sinasabi ng komentarista.
Ito Ang Totoo: Nitong nakaraang buwan lamang ay personal na iniabot ni Dept. of Tourism Regional Director Caroline D. Uy kay SBMA Chairman Rolen C. Paulino, Sr. ang sertipikasyon ng pagiging no. 1 ng Subic Freeport bilang “tourist destination” sa Central Luzon, daig pa ang Clark, Aurora, Pampanga, Bulacan, Nueva Vizcaya at iba pang bahagi ng rehiyon.
Alam ito ni Tata Willy kaya nagpahayag siya sa social media ng pag-kontra at inayunan naman ng iba pang “local media” kasama na ang isa pang beteranong si “Greg Refraccion” ng Bataan.
Suspetsa ni Tata Willy, bahagi ito ng kampanya para maalis sa puwesto si Paulino Sr. na inappoint ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ilang buwan lamang bago ang nakaraang eleksyon.
Ito Ang Totoo!
