MAKIKITA sa isang indibidwal kung ito nga ba’y makatao at panglider ang kalibre. Bagama’t kaliwa’t kanan ang mga paratang ng ilang mga kritiko sa kanilang pamilya ay hindi naman nagpapatinag bagkus ay kapakanan pa rin ng kanyang kapwa ang iniisip ngayong panahon ng pandemya, partikular na ang mga frontliner.
Ang pinatutungkulan ko po ay itong si dating Senator Ferdinand “BongBong” Marcos, Jr. na hindi na inalintana ang mga pagbatikos sa kanila, bagkus ginawa nito ang nararapat na gawin ng isang indibidwal para sa kanyang kapwa.
At bilang isang dating senador ay umapela ito sa national government at local lawmakers na maisama rin ang mga non-medical frontliner staff na nagtatrabaho rin sa mga hospital at quarantine facilities na mabigyan o mapagkalooban din ng Special Risk Allowance (SRA) o hazard pay, at iba pang mga benepisyo na kinakailangan, kagaya ng natatanggap ng identified na health workers.
Paliwanag ni BBM sa kanyang panawagan sa mga kinauukulang opisyal ng pamahalaan, pareho lamang ang kinakaharap na peligro araw-araw ng lahat ng mga nagtatrabaho sa mga ospital at quarantine facilities kaya “SANA ALL” ang mabigyan ng SRA.
Tinukoy mismo ni BBM ang mga frontliner, kagaya ng mga guwardiya, janitor, mga non-medical staff na nasa mga laboratoryo at iba pang support staff sa isang ospital na maituturing din aniya na frontline workers, sa laban ng bansa kontra coronavirus.
Ipinagtataka rin ni BBM, kung bakit maging ang nasabing mga manggagawa ay delayed din makatanggap ng mga benepisyo. ‘Di ba dapat sila ay mabigyan ng karampatang benepisyo,dahil sila man ay nasa isang peligrosong katayuan sa ganitong sitwasyon ng panahon?.
Sinabi pa ni BBM, kailangan pa bang mag-aklas ng frontliners para lang mapansin ng pamahalaan? Hindi ba dapat ang mga ahensyang gaya ng DOH ay dapat kumilos upang masigurong naaalagaan ang kanilang kapakanan?
Sinabi pa ni BBM, dapat gawing prayoridad ng pamahalaan ang mga panukalang batas na magpapalawak sa saklaw ng SRAs at hazard pay at iba pang benepisyo para sa healthcare workers at ang mga kahalintulad nilang nasa peligrosong kalagayan. Bayani sila kung ating ituring kaya’t ipakita natin ang ating pasasalamat sa mga sakripisyo nila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga benepisyong nararapat nilang matanggap.
Hindi rin nakalagpas kay BBM ang nararanasang sobra-sobrang pagtatrabaho ng health workers sa hospitals na naging sanhi ng pagkakahawa ng iba sa COVID-19 at ang iba naman ay nagsipag-resign dahil hindi na makayanan ang pagod.
At mismong si Dr. Jonas Del Rosario ng UP-PGH, nagkumpirma rin sa napansin ni BBM. Ito’y makaraang ihayag ni Dr. Del Rosario na mayroong 11 volunteer doctors ang hindi na nag-renew ng kanilang kontrata sa UP-PGH, marahil ay hindi na makayanan ang workload na kanilang kinahaharap sa araw-araw, ito’y bukod pa sa usapin ng SRA.
Matatandaan natin mga KA-SAKSI, na nitong mga nakalipas na linggo, marami sa militant health workers groups ang naglunsad ng mass protests na ang iba naman ay nag-walkout sa mga pribado at pampublikong pagamutan upang ipakita ang kanilang pagkadismaya sa pamahalaan dahil sa hindi pagkakarelease ng kanilang mga nararapat na benepisyo na ipinangako ng gobyerno.
Dahil sa naturang pagwewelga ay kaagad namang nag-anunsyo ang DOH na makatatanggap na nang ipinangakong SRA ang 100,000 healthcare workers, ito’y makaraang magpalabas ng pondo ang Department of Budget and Management (DBM) para sa naturang ipinangakong benepisyo.
Sana nga maaksyunan ng mga mambabatas ang pangangailangan ng workers na nasa peligrosong trabaho at mabigyan ang mga ito ng karampatang benepisyo.
135 