NORTHERN QUEZON, UNANG HINAGUPIT NI TS KARDING

UNANG hinagupit ng Super Bagyong Karding ang extreme Northern Quezon kabilang ang mga islang bayan sa Polillo Group of Islands at ang Real, Infanta at General Nakar (Reina) Area.

Ayon kay Quezon PDRRMO head Dr. Mel Avenilla, dakong alas-3 ng hapon nang magsimulang lumakas ang hangin na may kasamang pag-ulan sa mga islang bayan ng Polillo, Panukulan, Patnanungan Burdeos at Jomalig na pawang nasa karagatan na nakaharap sa dagat Pasipiko.

Sa bayan ng Jomalig, halos 80 porsyento na ng mga residente ng 5 barangay ang nasa mga evacuation center.

Ang iba ay kusang nagsipaglikas nitong Linggo ng hapon habang ang mga nauna ay dinala na sa mga evacuation center  ng PNP matapos magpatupad ng force evacuation, Linggo ng umaga.
Wala na rin aniyang suplay ng kuryente sa buong isla matapos mabagsakan ng mga puno ang mga linya ng kuryente.

Marami na rin anyang mga nasirang kabahayan.

Sa bayan naman ng Polillo, dakong 3:15 ng hapon, halos umaabot na sa mga kabahayan ang malalaking alon dulot ng TS Karding.

Nagtalaga na rin ang bayan ng Polillo ng 22 evacuation centers na nasa 11 barangay.

Patuloy ang panawagan ng LGU sa agarang paglikas sa lahat ng mga pamilyang nasa mababang lugar lalo’t higit ang mga nakatira malapit sa anomang anyong tubig sa mga itinalagang evacuation center sa iba’t ibang barangay.

Isinailalim sa tropical cyclone wind signal number 5 ang bayan ng Jomalig kasama ng lahat ng bayan sa Extreme northern Quezon.

Samantala, Sabado pa lamang ng ng hapon ay nagsagawa ng pagpupulong ang Provincial Disaster Risk Assessment Council sa pangunguna ni Governor Angelina Tan at iba pang sangay ng gobyerno.

Binigyang diin ni Governor Tan ang kahalagahan ng Pre-emptive Evacuation at inatasan nito ang Provincial Social Welfare Development Office na maagap ayusin ang pagkakasa ng mga ayuda na magmumula sa Pamahalaang Panlalawigan.

Sinuspinde na rin ng Philippine Coast Guard – Northern Quezon ang biyahe ng mga barko mula Real port patungo sa mga isla sa mga bayan ng Polillo, Panukulan, Burdeos,  Patnanungan at Jomalig.

Maging ang mga biyahe ng barko mula sa Atimonan patungo sa Alabat island ay sinuspinde na rin ng PCG.

Ganoon din ang mga biyahe ng barko mula sa Lucena Port papunta ng Marinduque at Masbate.

Inabisuhan na rin ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot sa mga nasabing lugar.

Nanawagan din si Tan sa sa mga mayor na paghandaan ang bagyong parating at bigyang atensyon ang ayuda sa maliliit na mangingisda upang hindi na magpumilit pang makipagsapalaran sa pagpalaot at salubungin ang malalaking alon sa karagatan. (NILOU DEL CARMEN)

198

Related posts

Leave a Comment