NABUKING ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport ang isang pasaherong dayuhan sa tangka nitong pagpuslit sa ng 8.34 kilo ng umano’y shabu na P56.7 milyon ang halaga sa Pasay City.
Inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Customs-Port of Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA-Inter Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang suspek na isang Norwegian national, makaraang mabisto ang dala nitong ilegal na droga nang isalang sa X-ray machine ang bagahe nito sa Terminal 3 ng paliparan.
Nang inspeksyunin ang laman ng bagahe nito ay natuklasan ang ilang kilo ng shabu.
Ayon sa BOC, ang pasahero ay mula sa Dubai lulan ng Emirates Airlines EK334 at ang point of origin ay sa Johannesburg, South Africa.
Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10863 o Customs Modernization And Tariff Act (CMTA).
Nauna rito, noong Agosto, 2022 , inaresto rin ng mga awtoridad ang isang pasahero mula sa South Africa na nagtangkang magpuslit ng P144.3 milyong halaga ng shabu.
Ang BOC, sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz, ay nangako na protektahan ang bansa laban sa pagpasok ng mga ilegal na produkto, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr.
Pahayag pa ng BOC-NAIA, patuloy nitong poprotektahan ang mga hangganan at patuloy na makikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya para palakasin ang kampanya laban sa ilegal na droga. (RENE CRISOSTOMO)
