DAVAO Occidental – Malaking kawalan umano sa kilusan ng Front Committee 71 ng rebeldeng New People’s Army (NPA), ang pagsuko ng isang kumander at anim na mga tauhan nito, sa grupo ng 73rd Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army.
Ayon kay Lt. Col. Ronaldo Valdez, 73rd IB commander, nangyari ang pagsuko ng mga dating rebelde dahil sa Community Development Team na gumagawa ng mga programa para sa mga mamamayan sa kabukiran.
Sinabi ni Valdez, sa pitong sumuko, dalawa ay mga residente ng Purok Mamaon, Brgy. Sibulan, Toril District, Davao City, at tatlo ang mula sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Habang ang kumander, na siya ring political instructor ng grupo, ay residente ng Sarangani Province.
Kabilang sa isinuko ng mga ito ang isang Springfield rifle.
Ibinunyag rin ng mga dating rebelde na nagpasya silang sumuko makaraang mapagtanto na walang patutunguhan ang kanilang kilusan at dahil sa nararanasang kagutuman sa kabundunukan.
Dagdag ni Valdez, sinabi Kumander Jary na nawalan na ito ng gana sa kilusan makaraang marami na sa kanilang mga kasamahan ang sumuko sa gobyerno.
Sa kasalukuyan, inaasikaso ng 73rd IB ang mga tulong mula sa gobyerno, sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP, para sa mga sumuko.
“Ang mga kasundaluhan ng 73IB sa ilalim ng 10th Infantry Division ay kasalukuyang nasa kabundukan at kaisa ang mga ahensya ng gobyerno upang matulungan ang komunidad na magkaroon ng kabuhayan. Sa pamamagitan nito, hindi na mararanasan ng taumbayan ang hirap dahilan para sumapi sa teroristang grupo,” ani Valdez.
Umaasa ang opisyal na mas marami pang NPA ang susuko sa susunod na mga araw dahil sa mas pinaigting na presensya nila sa kabukiran. (DONDON DINOY)
221 