ISANG kasapi ng communist terrorist group ang napatay habang ilang baril at mga pampasabog ang nakumpiska sa ikinasang joint internal security operation ng PNP-Regional Office 5 at Philippine Army sa lalawigan ng Camarines Sur.
Ayon kay PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, isang kasapi ng Communist Party of the Philippine armed wing New People’s Army ang napatay sa sagupaan Barangay Salvacion, Ragay, Camarines Sur noong Linggo ng hapon.
Nabatid na nagsasagawa ng security operation ang pinagsanib na puwersa ng 9th Infantry Battalion (9IB), 92nd Division Reconnaissance Company (92DRC), 1st Camarines Sur Provincial Mobile Force Company, Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), 1st Camarines Norte Provincial Mobile Force Company, Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) at iba pang intelligence units nang masabat ang tinatayang sampung armadong terorista.
Tumagal ng halos kalahating oras ang matinding bakbakan sa Del Gallego na ikinamatay ng isang miyembro ng NPA at nagresulta sa nakumpiskang dalawang M16 rifles at bandolier.
Una rito, nagkaroon muna ng dalawang sagupaan sa bayan ng Del Gallego noong Disyembre 10 kung saan ay nakakuha ng molotov bombs, apat na detonators, dalawang cellphones, tatlong jungle packs, terroristic propaganda materials at personal belongings. (JESSE KABEL)
